NAIPAGBENTA sa isang auction sa United States ang sinasabing personal na telepono ni Hitler na kanyang ginamit noong kasagsagan ng World War 2.
Umabot sa $243,000 (katumbas ng P12.2 milyon) ang presyo ng telepono, na kulay pula at may nakaukit na swastika sa likod.
Natagpuan ang telepono ng mga sundalong Russian noong 1945 sa bunker na huling pinagtaguan ni Hitler noong papatapos na ang giyera.
Ibinigay nila ito bilang souvenir sa British na sundalong si Sir Ralph Rayner na nagtago nito hanggang siya ay mamayapa noong 1977.
Napunta ang telepono sa kanyang anak na si Ranulf Rayner na ngayo’y 82-anyos na.
Umasa si Ranulf na makakakuha ng mas mataas na presyo sa subastahan ang telepono ngunit masaya na rin siyang naipagbenta na niya sa wakas ang teleponong minana niya sa kanyang ama.
Lagi kasi niyang ikinakatakot na mananakaw ito at marami rin ang nagsasabing magdadala ito ng malas sa kanya dahil sa malagim na koneksyon nito kay Hitler.
Itinuturing kasing pinakamapinsalang gamit sa buong kasaysayan ng daigdig ang telepono dahil sa pamamagitan nito ay naipahatid ni Hitler ang kanyang mga utos na naging sanhi ng kamatayan ng milyun-milyong katao.