ANG mga sumusunod ay totoong nangyari at nakatala sa police log book ng Sarasota, Florida USA:
Kinabahan ang isang matandang babae habang naglalakad siya papalapit sa pinaparadahan ng kanyang kotse. Kalalabas lang niya sa mall. Ang kanyang kotse ay nakaparada sa gilid ng mall. Malayo pa ay kitang-kita niya na may dalawang lalaking teen-ager na nakapasok sa kanyang kotse. Kinapa niya ang baril sa kanyang bag. Dali-dali niyang tinakbo ang kinaroroonan ng kanyang kotse. Humarang siya harapan ng kotse. Itinutok niya ang baril sa dalawang lalaki na nasa driver’s at passenger’s seat.
“Baba!” halos pumiyok siya sa sobrang pagsigaw.
Dali-daling lumabas sa kotse ng dalawang teen-ager at saka kumaripas nang takbo. Nang makaseguro na wala na ang dalawang lalaki, umupo siya sa driver’s seat. Sa kanyang pagtataka, hindi niya maisuksok ang susi para buhayin ang makina ng sasakyan. Saka niya napansin ang rubber shoes, baseball bat at kung anu-anong gamit ng lalaki sa loob ng kotse. Para siyang binuhusan ng tubig nang ma-realize niyang hindi sa kanya ang kotse. Ang pinuntahan niya ay left side ng parking area. Ang kotse niya ay nasa right side. Napagkamalan niyang kanya ang kotse na sinasakyan ng dalawang teen-ager dahil magkakulay iyon at iisa ang car manufacturer kaya magkamukha.
Sakay ng kotse, pumunta siya sa pinakamalapit na presinto ng pulis. Sasabihin niya ang nangyari sa mga pulis at bahala na kung ano ang kabayaran ng kanyang ginawa. Pagdating sa presinto ng matanda, nadatnan niya ang dalawang teen-ager na putlang-putla. Inireport ng mga ito na biktima sila ng carjacking ng isang matandang babaeng baliw.
Tawanan ang mga pulis nang magkapaliwanagan. Hindi na siya kinasuhan ng dalawang teen-ager. Naunawaan nila ang pinagdadaanang “senior moments” ng matatanda kagaya ng kanilang lola.