SA kabila ng hindi pagsang-ayon ng kanilang mga magulang, tumagal ng 79 na taon ang pagsasama ng isang mag-asawa sa Ecuador at ngayon ay kinikilala sila na pinakamatandang mag-asawa sa buong mundo.
Ang mag-asawa ay sina Julio Cesar Mora Tapia, 110-anyos at si Waldramina Maclovia Quinteros Reyes, 105, pawang taga-Quito, Ecuador at parehong retiradong guro.
May pinagsamang 215 taon sina Julio at Waldramina kaya sila na ngayon ang kinikilalang World’s Oldest Married Couple, ayon sa Guinness World Records.
Sa kabila ng kanilang edad, nasa mabuting kalusugan ang dalawa, na nanghihinayang na hindi sila makakapagdaos ng selebrasyon dahil sa pandemya kasama ang kanilang 11 apo, 21 apo sa tuhod, at siyam na apo sa talampakan.