Goldfish

JEREZO village, Bosnia. Isang araw ng 1990, dumating mula sa pagtatrabaho sa Austria ang padre pamilya ng mga Malkoc, si Smajo. Walang pagsidlan ng tuwa ang kanyang misis na si Fehima Malkoc at dalawang anak na lalaki na sina Dzevad at Catib. Lalo pang natuwa ang mga bata nang ipakita ng ama ang kanyang pasalubong: isang magandang aquarium na may lamang dalawang goldfish.

Ang Jerezo village ay malapit sa lake. Nasa tabi lang ng lake ang tinitirhan ng pamilya Malkoc. Noong 1992 ay nagkaroon ng giyera sa Bosnia. Nilusob ng mga sundalo ang Jerezo village. Pinalayas ng mga sundalo ang mga nakatira rito. Pinatakas muna ng mga kalalakihan ang kanilang kaanak na mga babae at bata. Nilabanan ng mga kalalakihan ang mga sundalong nagpapalayas sa kanila ngunit ano ang laban ng mga sibilyan sa malalaking armas ng mga sundalo. Halos lahat sila ay napatay. Kasama sa napatay si Smajo Malkoc.

Nakarating kay Fehima ang nangyari sa asawa kaya ito ay lihim na bumalik sa kanilang tahanan. Nag-ingat din siya sa pagbalik dahil delikadong may makakita sa kanya na mga sundalong rebelde. Iniwan muna niya ang dalawang anak sa refugee center. Halos madurog ang puso ni Fehima nang makita ang bangkay ng asawa na puno ng tama ng baril. Mag-isa niyang inilibing ang asawa. Kahit giniba ng mga sundalo ang kanilang bahay, nakapagtatakang hindi nabasag ang aquarium na pasalubong ng asawa sa kanilang anak.

Dinala niya sa tabi ng lake ang aquarium. Dahan-dahang kinuha ang dalawang goldfish at pinakawalan sa lake. “Paalam sa inyong dalawa. Mas ligtas kayo riyan. Hindi ko alam kung makakabalik pa kami rito.” Malungkot na bumalik si Fehima sa refugee center.

Pagkalipas ng limang taon, binalikan ng mag-iina ang kanilang tahanang sinira ng giyera. Nagtayo sila ng pansamantalang barung-barong. Niyaya ng ina ang dalawang anak na mamasyal sa lake. Gulat na gulat sila sa kanilang nasaksihan: Kumikinang ang tubig na parang may kulay gintong naglalanguyan! Aba…mga goldfish…hindi mabilang na goldfish ang naglalanguyan. Malamang na iyon ang naging bunga ng dalawang goldfish na pinakawalan niya. Bago magkaroon ng giyera, walang goldfish sa lake na iyon.

Araw-araw, nanghuhuli ang mag-iina ng goldfish at ibinebenta nila ang mga iyon sa city kung saan maraming nagmamay-ari ng aquarium. Naging hanapbuhay nila ang pagbebenta ng goldfish. Sumikat ang Jerezo dahil sa mga goldfish. Umasenso ang buhay ng mag-iina. Muli silang nagtayo ng bahay sa orihinal nilang lote. Ngayon, ang bahay nila ang pinakamalaki sa Jerezo village.

“When something bad happens, you have three choices: You can either let it define you, let it destroy you or let it strengthen you.” – unknown

Show comments