MINSAN, nagkuwento si Jessie Duarte tungkol sa kanyang dating boss. Siya ang dating Deputy Secretary-General ni Nelson Mandela noong Presidente pa ito. Si Mandela ang first Black President ng South Africa mula 1994-1999. Kapag nagbibiyahe, umaakto rin siyang personal assistant ng Presidente.
Nagpunta sila noon sa Shanghai China at tumuloy sa isang hotel. Napag-alaman ni Duarte na bahagi ng Chinese hospitality – sila ang nag-aayos ng tutulugan ng guest at nagsisilbi ng pagkain. Maiinsulto sila kung guest ang gagawa ng trabahong dapat sana ay sa kanila.
Binanggit ito ni Duarte sa kanyang boss dahil ugali ni Nelson Mandela na siya ang nag-aayos ng sarili niyang tulugan, nasa sarili o labas man ng kanyang tahanan. Hindi siya komportable na iasa ang mga personal niyang pangangailangan sa ibang tao.
Upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan, ipinatawag ni Mandela ang staff ng hotel na naka-assign na mangalaga sa kanyang pangangailangan. Kinausap niya ang mga ito nang masinsinan at nagpaliwanag na huwag masamain kung ang gusto niya ay siya ang mag-aayos ng sarili niyang tulugan.
Natapos nang maayos ang pagtigil ni Mandela sa hotel. Ayon kay Duarte, mas pinapahalagahan ni Mandela ang magiging impresyon sa kanya ng “masa” kaysa magiging impresyon sa kanya ng mga “big time” o VIP na personalidad. Mas malaking kasalanan kay Mandela na pasamain ang loob ng mahihirap kaysa mayayaman. Mahirap na nga sa materyal na bagay, kawalanghiyaang maituturing, kung hahayaan silang maghirap ang kalooban. At iyon ang isang magandang ugali ng tunay na lider, ayon kay Duarte.
“The challenge of leadership is to be strong, but not rude; be kind, but not weak; be bold, but not a bully; be thoughtful, but not lazy; be humble, but not timid; be proud, but not arrogant; have humor, but without folly.” – Jim Rohn