Dear Attorney,
Hanggang kailan ko po maaring sampahan ng kasong unjust vexation ang mga tambay po sa amin na malalakas mangantiyaw at mang-asar sa mga dumadaan? Dahil po sa pandemic, hindi ako masyadong makalabas ng bahay upang asikasuhin ang pagdedemanda. —Vic
Dear Vic,
May dalawang buwan ka simula nang mangyari ang mga inirereklamo mong pang-aasar o pangangantiyaw para ika’y makapagsampa ng kasong unjust vexation laban sa mga tambay sa inyong lugar.
Isang light felony ang unjust vexation, na may kaakibat na parusang pagkakakulong ng isa hanggang tatlumpung araw at multang mula isanglibo hanggang apatnapung libong piso.
Dahil isang light felony, mayroong dalawang buwan ang biktima mula nang mangyari ang krimen para makapagsampa ng kaso, alinsunod sa Article 90 ng Revised Penal Code.
Nais ko lang din ipaalala na kung naninirahan ka at ang mga inirereklamo sa iisang barangay ay kakailanganin mo munang dumaan sa barangay kung saan susubukan ng mga opisyal na pag-ayusin kayo ng mga inirereklamo mo.
Kung talagang hindi maaayos ang gusot ninyo ay saka ka lamang maaring magsampa ng reklamo sa piskalya.