ISANG doctor sa Yorkshire, England ang tumakbo ng 35 kilometro habang may suot na face mask upang pabulaanan ang haka-haka ng iilan na may masama itong epekto, partikular na sa lebel ng oxygen sa katawan.
Si Tom Lawton ay isang doktor sa intensive care unit ng Bradford Royal Infirmary at isa sa mga frontliner sa nangyayaring pandemic.
Sa isa niyang Twitter post ay ipinaliwanag ni Lawton na nakita na niya kung gaano kalala ang maaring maging pinsala ng COVID-19 sa mga mahahawa nito.
Upang mahikayat ang mga tao na magsuot ng face mask bilang proteksyon sa coronavirus at upang matapos na rin ang espekulasyon ukol sa epekto nito sa lebel ng oxygen sa katawan, nagpasya si Lawton na tumakbo papunta at pauwi ng pinapasukang ospital habang naka-face mask.
Hindi inalis ni Lawton ang face mask kahit isang sandali sa buong pagtakbo niya. Nanatili sa 98 porsiyento ang oxygen level sa kanyang katawan.
Nakaayon naman sa opisyal na panuntunan ng World Health Organization (WHO) ang mensahe ni Lawton.
Ayon sa WHO, bagama’t hindi komportable ang matagal na pagsusuot ng face mask ay wala namang pruweba na nagdudulot ito ng kakulangan ng oxygen sa katawan.