SA kagustuhang madagdagan ng barya ang kanyang suweldo, aba nagpa-tupada si S/Sgt. Francisco Cabusao sa compound niya sa Pasig kahit nasa kainitan pa ang COVID-19. Kaya lang, minalas si Cabusao dahil naaktuhan siya at 17 pa ng mga elemento ng Interity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at intelligence ng National Capital Region Police Office (NCRPO) habang nasa kainitan ang pasugal niya. Ang siste, nawala na nga ang extrang kinikita ni Cabusao at lalong goodbye na rin sa libu-libong suweldo niya. Ang masama pa n’yan, ikinasa ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas ang pagsibak kay Cabusao kaya pati kinabukasan ng pamilya niya ay nawala na parang bula. Araguuyyy! Kuwarta na, naging bato pa, ‘no mga kosa? Tumpak!
Sinabi ni IMEG chief Brig. Gen. Ronald Lee na ipinasailalim niya sa kanyang mga tauhan sa surveillance operation ang compound ni Cabusao sa Bgy. Santolan matapos mag-report ang kapitbahay na linggu-linggo itong nagpapatupada. Siyempre, nagpulasan ang mga sugarol nang makita ang mga nagdatingang pulis subalit naaresto ang 18 sa kanila, kasama si Cabusao, na naka-assign sa District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Eastern Police District (EPD).
Nakumpiska bilang ebidensiya ang limang manok pansabong, 30 tari, at P11,600 cash. Sinabi ni Lee na samu’t saring kaso ang isasampa laban sa mga naaresto, kasama na riyan ang paglabag ng “Bayanihan Heal as One Act,” dahil marami sa kanila ay hindi nakasuot ng facemask at ‘di rin pinapairal ang social distancing. Ano ba ‘yan? Hak hak hak! Matitigas din ang ulo nitong mahilig magsabong.
Ayon kay Lee may virus man o wala ay tuluy-tuloy lang ang operation nila vs tiwaling pulis bilang pagtugon sa internal cleansing program ng PNP. Hinikayat din ni Lee ang mga Pinoy na i-report ang mga ilegal na aktibidades ng mga tiwaling pulis at hindi siya mangingiming putulin ito at walang “padrino-padrino.” Araguuyyy!
Pero sa tingin ng mga kosa ko, dapat imbestigahan din ni Lee kung bakit hayagan ang patupada ni Cabusao dahil tiyak naka-timbre ito sa iba pang operating unit ng EPD at ng Pasig police dahil hindi sila hinuhuli. Hak hak hak! Magkatabi lang kaya ang opisina ng DDEU at ng District Special Operating Unit (DSOU) sa EPD Annex bldg. sa Meralco Ave. Pero di ko sinasabi na patong ang DSOU sa patupada ni Cabusao ha mga kosa?
Hindi lang naman sa Metro Manila may sabong sa kasagsagan ng COVID kundi maging sa area ni PRO 10 director Brig. Gen. Rolando Anduyan. Mula Marso 17 nang ideklara ni President Digong ang lockdown dahil sa COVID, aba nakahuli ang tropa ni Anduyan ng 17 katao sa Bukidnon sa kampanya vs sabong. Walo ang naaresto sa Misamis Occ., anim sa Misamis Oriental, dalawa sa Lanao del Norte at isa sa Cagayan de Oro CIty. Sa pagkaalam ko, panay anunsiyo ni Interior Sec. Eduardo Año na bawal pa ang sabong dahil wala pang gamot ang virus. Hindi takot sa COVID ang mga sabungero kahit marami na ang namatay sa sabong sa Davao. Araguuyyy! Hak hak hak! Hala, sabong pa more at lagot kayo kina Generals Anduyan at Lee. Abangan!