INUTUSAN ng isang CEO ang artist ng kanilang kompanya.
“Gumawa ka ng poster kung saan susulatan mo ito ng motto na magpapaalala sa akin na maging mapagkumbaba kapag ako ay nagtatagumpay ngunit magbibigay sa akin ng pag-asa at sigla sa kabila ng aking kabiguan. Gandahan mo ang poster. Lakihan mo ito at ilagay sa magandang frame dahil ididispley ko ito sa aking opisina.”
Kung sa disenyo lang ng poster ay maraming magagandang ideya ang artist ngunit hindi niya alam kung anong motto ang dapat niyang isulat sa poster. Hindi siya makapag-isip nang diretso dahil ang bunso niyang anak na limang taon gulang ay nasagasaan ng motorsiklo. Maayos na ang kalagayan ng bata pero hindi niya mailabas sa ospital dahil kulang ang hawak niyang pera. Malaki rin ang naging bill niya sa ospital. Tinakasan sila ng walanghiyang nakasagasa.
Bago niya simulan ang pagtatrabaho sa poster ay nagpunta muna siya sa bahay ng kanyang ina para umutang ng pera. Pagkatanggap ng pera mula sa ina ay hiyang-hiya itong humingi ng paumanhin.
“Mama, pasensiya ka na sa abala. Babayaran din kita sa isang buwan. Gipit na gipit lang ako ngayon.”
“Naku, wala kang dapat ihingi ng pasensiya. Walang may gusto sa nangyari. Kung kailan ka maluwag saka mo ako bayaran. Huwag mong pipilitin kung gipit ka pa rin sa pera.”
Napaiyak ang artist. Hinagkan ng ina sa ulo ang anak at saka niyakap na para itong munting bata.
“Lagi mong tandaan anak, lahat ng bagay dito sa mundo ay lumilipas. Lilipas din iyan. Magiging maayos din ang lahat.”
Sa tulong ng perang ipinahiram ng kanyang ina ay nailabas niya ang kanyang anak sa ospital. Nang gabing iyon sinimulan na niyang gawin ang poster. Tumanim sa isip niya ang sinabi ng kanyang ina na lahat ng bagay sa mundong ito ay lumilipas. Hinimay niya ang mga salitang iyon: Lilipas din iyan.
Kapag nasa tuktok ka ng tagumpay, huwag kang masyadong mayabang. May katapusan din iyan. Lilipas din iyan, kaya maging mapagkumbaba para kung bumagsak ka paibaba, marami pa rin sasalo sa iyo.
Kung pinuputakti ka naman ng masamang kapalaran, umiyak sandali. Lilipas din iyan. Hindi lahat ng sandali ay gabi. Sumisikat din ang araw. Muling tumayo at ipagpatuloy ang buhay.
Maganda ang kinalabasan ng kabuuang hitsura ng poster. Natuwa ang CEO lalo na sa maikling motto ngunit may malalim na ibig sabihin: This Too Shall Pass.
Iningles niya ang “lilipas din iyan” para mas malakas ang impact nito sa boss nila. Inglisero kasi ito.