Ramdam na ang unti-unting pagbabalik ng ilang mga negosyo matapos pairalin sa Metro Manila ang general community quarantine.
Kasunod nito, inaasahan ang mas lalong pagbalik sa normal kapag isinailalim na ang rehiyon sa modified GCQ.
Pero sa kabila nito, marami ang medyo takot pa ring makipagsapalaran sa labas dahil sa banta ng COVID-19.
Magkagayunman, hindi naman puwedeng tumigil na ang buhay dahil dito, kailangan din na gumalaw at maghanapbuhay dahil baka makaligtas ka nga sa sakit, eh sabi nga ng marami, mamamatay ka naman sa gutom.
Kaya kailangan balanse ang lahat, basta’t sundin lang ang mga health safety measures na ipinatutupad ng pamahalaan, ‘wag ng maging pasaway at ‘di maglalaon ay mawawala rin ang COVID na ito at babalik ang lahat sa normal.
Eto naman ang kailangan ngayon, mabantayan din ng pamahalaan.
Kung nagbubukas na ang negosyo, dapat na mabantayan din ang pagpepresyo ng mga ito.
Kung noong pairalin ang enhanced community quarantine sa malaking bahagi ng bansa, sangkaterba ang nagsasamantalang negosyante.
Overpriced na face masks, alcohol, PPEs at kung anu-ano pang medical supplies. Pinagkakitaan nang husto kasi walang choice ang mamimili kailangan niya ito kaya kahit mahal sinusunggaban.
Ngayon, sana ay mabantayan din ng mga awtoridad ang mga pangunahin na namang pangangalailangan ng marami lalu na sa GCQ.
Dahil sa kakulangan ng public transpo, in-demand ang mga bisikleta na ginagamit na alternatibong sasakyan ng mga manggawa.
Naku eto, na grabe raw ang bentahan ngayon ng bisikleta, doble o triple.
Napaulat na magiging distance learning na ang klase sa mga eskuwela kaya ayun ang mga computer, laptop, iba pang gadgets, nadoble rin ang presyo.
Dito talaga kailangan ang masusing pagmomonitor ng DTI, baka mapagsamantalahan na naman ang ngayon pa lang na bumabangon nating mga kababayan.