NASORPRESA ang isang babaing taga-Indiana nang makatanggap siya ng liham na sinulat ng kanyang kapatid, 52 taon na ang nakararaan, sa kasagsagan ng giyera sa Vietnam.
Bagama’t noong isang linggo lang ito natanggap ni Janie Tucker ay higit kalahating siglo na ang liham na sinulat ng kanyang kapatid na si William Lone para sa kanya noong 1968 nang si William ay nasa military pa at nakikipaglaban sa Vietnam.
Tinawagan ni Janie ang kapatid at binasa sa kanya ang natanggap niyang liham upang kumpirmahin kung siya nga ang sumulat.
Kinumpirma nga ni William na sa kanya nga ang liham at natatandaan pa raw niya nang sinulat niya ito. Hindi naman malinaw sa kanya kung bakit inabot ng 52 taon bago ito nakarating kay Janie.
Wala na sa orihinal na sobre ang liham kaya malamang na may ibang nakakuha nito at saka ipinadala kay Janie matapos matunton ang kanyang kasalukuyang address.
Umaasa naman si Janie na matutukoy din nila ang misteryosong nagpadala sa kanya ng sulat. Gusto kasi niyang pasalamatan ito at para na rin malaman kung bakit inabot ng 52 taon bago niya natanggap ang liham ng kanyang kapatid.