MAY mga empleyado nang babalik sa trabaho ngayong araw na ito makaraang ilagay sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at iba pang lungsod at bayan sa bansa. Ganunman, 50 percent lamang umano ang pinayagang makapagbukas ng negosyo. Inaasahan naman na dadagsa na ang mga pasahero sa MRT at LRT stations. Ang mga train lamang at ilang bus companies ang pinayagang makabiyahe. Pinayagan din ang taxi at TNVS. Pinayagan na rin sa ilang lungsod na makabiyahe ang mga traysikel pero isa lang dapat ang pasahero. Ang mga jeepney at motorsiklong pamasada gaya ng Angkas ay hindi pa maaaring bumiyahe ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Kahit nasa GCQ na ang Metro Manila, hindi pa rin lubusang mabubuksan lahat ang mga establisimyento gaya ng mga bars, sinehan, gym, at mga kainan na dinadagsa ng mga tao. Pawang take-out order lamang ang pinapayagan. Hindi pa rin papayagang makapag-operate ang mga salon at beauty parlors. Ang mga barbershop ay papayagang magbukas sa Hunyo 7 pero kailangang sumunod ang mga barbero sa health protocols. Dapat i-disinfect ang shop at may nakahandang alcohol at sanitizer para sa customer.
Paunti-unti ang pagbabalik sa normal pero mahigpit na ipatutupad ang pag-iingat. Sa MRT at LRT, hindi makakasakay ang walang face mask. Mahigpit na ipasusunod ang social distancing. Sa bawat station ay may hand sanitizers.
Sa mga bus ay may isang metrong pagitan ang mga pasahero. Bawal din ang walang face mask. Bawal ang tumayo. Kung ang bus ay may sakay na 100, magiging 50 na lang.
Unti-unti ang pagbabalik at mahigpit pa rin. Pero ang tiyak, marami naman ang makakaligtas. At makakamtan ito kung mag-iingat at susunod ang lahat sa kautusan. Hindi dapat masira ang mga nakaugaliang pag-iingat na ginawa sa loob nang mahigit dalawang buwan. Ipagpatuloy hanggang makabalik sa dati at magandang pamumuhay.