Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha at tibay ng sikmura?

NAGBIGAY ng babala si DILG Undersecretary Martin Diño sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na lalabag sa pamantayan ng pamamahagi ng ayuda.

Malversation of public funds, falsification of public documents at violation of Republic Act 11469 Section 6 ang mga kasong kakaharapin ng opisyal na lalabag.

Mainit ang isyu sa pamimigay ng mga LGU ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development. Maging kami sa BITAG ay natatambakan ng reklamo sa hindi tamang pamamahagi ng ayuda.

Iba naman kasi ang tulong na matatanggap ng mga miyembro ng 4Ps at ‘yung mga manggagawang naapektuhan ng krisis. Subalit may mga sumbong na hinahati umano ng barangay ang mga perang natatanggap ng benepisyaryo para lahat daw ay mabigyan.

Sabi nga ng isang barangay kapitana sa Tingloy, Batangas, may pinipili raw ang ayuda ng gobyerno. Kaya ang programa ng pamahalaan, ipinangalan niya sa kanya dahil lahat mabibigyan.

Mali ang gawaing ito. Pagkukumpirma na rin ni Usec. Diño. Hindi dapat ipinag-uutos na bawasan, hatiin at ipamahagi sa iba ang natanggap na ayuda mula sa gobyerno ng isang benepisyaryo.

Ibang usapan kung boluntaryo at bukal sa puso na ipamahagi ang natanggap.

Maganda ang hangarin, baluktot ang pamamaraan. Ang matindi, inangkin pa ang programang inisyatibo ng pamahalaan.

Nakakalungkot isipin na sa gitna ng krisis, maraming pulitiko ang ginagamit ang sitwasyong ito para mangampanya. Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha at tibay ng sikmura?

Akala siguro ng mga pulpulitikong ito, porke’t malayo sila sa Maynila, hindi mailalantad ang kanilang kabalbalan.

Dapat ipahiya at kasuhan ang mga tiwaling opisyal.

Kaakibat kami ng pamahalaan na matuldukan ang mga iregularidad lalo ngayong may krisis.

Show comments