TAONG 1949, katatapos pa lang Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang alukin ng gobyerno si Aling Pia na bibilhin ang kapiraso nitong lupa sa harapan ng kanilang bahay. Noon ay ipinaaayos ng lokal na pamahalaan ang mga kalsada. Pinalawak ang mga kalsada kaya nahagip ang bakuran ni Aling Pia. Kinatitirikan ng matandang puno ng mangga ang kasama sa bibilhin.
Tigas ang pagtanggi ng matanda. Kahit pa raw makarating sa korte, hindi niya papayagang galawin ng kahit sinong Poncio Pilato ang kanyang bakuran. Lingid sa kaalaman ng matanda, may batas na hindi puwedeng tanggihan ang gobyerno kung ang binibiling lupa ay gagamitin para sa kapakinabangan ng buong sambayanan.
Noong hindi pa sumasapit ang giyera, ang ilalim ng puno ng mangga ang nagsisilbing playground ng mga bata sa kapitbahayan. Pinababayaan ni Aling Pia na akyatin ng mga bata ang puno kapag panahon ng pamumunga nito. Pero simula nang magkagiyera hanggang liberation, hindi na pinapayagan ni Aling Pia na makalapit ang mga bata sa paligid ng puno para maglaro o manguha ng bunga.
Upang makatiyak, binakuran niya ito ng matutulis na kawayan. Marami nang bata ang nagtampo sa matanda. Bakit daw ipinagdadamot na nito ang puno ng mangga? Nagkagiyera lang ay tila nag-iba na ang ugali ng matanda.
Sumapit ang araw na sisimulan na ang construction ng kalsada ngunit nagmamatigas pa rin ang matanda. Bitbit ang liham mula sa korte, nagpadala ang pamahalaan ng mga taong puputol sa puno ng mangga. Pagkaraang basahin ang liham na nagsasabing bibilhin ang kanyang lote pumayag man siya o hindi, naghisterikal si Aling Pia at naisigaw niya ang sekretong matagal na niyang kinikimkim.
“Hindi ninyo puwedeng galawin ang puno! Nakalibing diyan ang aking asawa!”
Guerilla si Arturo kaya palihim lang itong dumadalaw kay Aling Pia. Ngunit isang gabing dumalaw ito sa bahay, inambus siya ng isang sundalong Hapones na matagal na palang nakatago sa itaas ng puno ng mangga. Pagkabaril kay Arturo, walang anumang umalis ang Hapones.
Pagkatapos linisin ang bangkay at bihisan ng kanyang pinakamagandang Barong Tagalog, ibinalot niya ang asawa sa kumot at saka inilibing sa hukay na katabi ng puno. Hindi na siya nahirapang maghukay dahil dati na itong pinagbabaunan ng mga baril ng mga kasamahang guerilla ni Arturo. Sa kabila ng kawalan ng anak, labis ang pagmamahal nila sa isa’t isa. Gusto ni Pia na lagi pa rin silang magkapiling kahit patay na ito.
Sa tulong ng pamahalaan, ang bangkay ni Arturo ay inilipat sa Libingan ng mga Bayani na noon ay kilala bilang Republic Memorial Cemetery. Kusang loob na ibinigay ni Pia ang kapirasong lote na kailangan ng pamahalaan. At hindi na niya ito pinabayaran.