ANG aking tiya ay nagsilbing nars sa kampo ng mga gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa trabahong ito ay nasa wanted list siya ng mga sundalong Hapones. Pero hindi ito nagpahina sa kanyang kalooban manapa’y lalong nagpatatag sa kanyang paninindigang ipaglaban ng patayan ang kanyang bayan.
Isang araw habang naglalakad siya at ang dalawang kasamahang lalaking gerilya ay may nadaanan silang nakahandusay na sugatang lalaki. Huminto ang tatlong magkakasama at tiningnan ang kalagayan ng lalaki.
“Humihinga pa. Sandali gagamutin ko muna siya,” sabi ng aking tiya.
“Kapag huminto tayo sa paglalakad ay mahuhuli tayo sa sasakyang maghihintay sa atin sa kabilang ibayo. Delikadong gabihin sa lugar na ito,” sagot ng isang kasama.
“Sige iwan ninyo ako. Hindi ko matitiis na basta na lang iwan ang taong ito sa ganitong kalagayan.”
“Ano ka ba? Gusto mo bang parusahan kami ni Kumander kung darating kami sa kampo na hindi ka kasama?”
“Kung ganoon, hintayin ninyo ako habang ginagamot ko ang sugat ng taong ito. Sampung minuto lang ito. ‘Di ba’t may madaraanan tayong malapit na kampo riyan sa bandang norte? Doon na lang natin siya iwanan.”
Pagkatapos gamutin at lagyan ng benda ang sugat nang hindi nakikilalang tao ay magkatulong na binuhat ito ng dalawang kasama ni Tiya.
Nakaalis na ang trak na susundo sa kanila kaya katakut-takot na paninisi ang natanggap ni Tiya sa dalawang kasamahan. Halos magdamag nilakad ng tatlong magkakasama ang daan patungo sa kanilang kampo. Nasa kalagitnaan pa lang sila ng kanilang paglalakad ay namataan nila ang kanilang trak na nakahinto sa daan. Akala’y kaya nakahinto ay hinihintay sila pero ang bumungad sa kanila ay puro bangkay ng kanilang mga kasamahan na tadtad ng bala. Nagkatinginan silang tatlo. Kung hindi sila naantala dahil sa pagtulong sa kapwa, kasama sana sila sa mga naambus ng mga sundalong Hapones.