Drivers sa Taguig, tumanggap na ng ayuda!

MATIWASAY na isiselebra ng mga drivers ng jeepney, tricycle at pedicab sa Taguig ang Holy Week dahil nagpamudmod sa kanila si Mayor Lino Cayetano ng ayuda na P4,000 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Ang ibig kong sabihin mga kosa wala nang iisipin pa ang 15,000 na drivers sa Taguig ngayong Holy Week dahil may pambili na sila ng pagkain at iba pang pangangailangan nila habang nag-stay at home sila habang nananalasa pa ang COVID. Kaya bakasyon grande ang mga drivers sa Taguig dahil maliban sa cash gifts, namahagi rin sa kanila ng food packs si Cayetano mula noong Abril 1 at may 2nd round pa, ‘di ba kosang Romer Butuyan Sir ng Bgy. Ususan?

Ang cash gifts ay tulong ng City Hall sa kanilang workers na na-displace ng COVID dahil kung hindi sila magtatrabaho ay wala ring kita. Kaya nasa tamang timing itong ayuda ni Cayetano at bahala na ang mga drivers na pagkasyahin ang pitsa para may pagkain sila at pambili ng mga gamit sa mahabang bakasyon nitong Holy Week. Mag-antay rin sila at may tulong pinansiyal pang darating mula sa gobyerno ni President Digong, ‘di ba mga kosa? Hak hak hak! Sa Taguig ay walang gutom dahil sa magandang pamamalakad ni Cayetano. Tumpak!

Nagsimulang magpamudmod ng P4,000 ayuda ang City Hall noong Huwebes sa mga miyembro ng SUBTODAI, UBTODAI, BCBTTODA, UBTSA, MPC, at CBDCUBTODA. Ginawa ito per batch at mahigpit na ipinatupad ang social distancing para maiwasan ding dapuan ng virus ang drivers. Ang mga natira pang driver’s association, wait lang konti ha kasi ‘di naman Superman ang mga empleado ng City Hall na nag-iikot para ambunan kayo ng tulong.

Sinabi ni Arvin Penollo, presidente ng UBTODAI, na malaking tulong sa kanilang hanay ang cash gifts ni Cayetano dahil kapag tinipid ito aabot pa ng dalawang buwan nilang budget ito habang di pa sila pinayagang pumasada. Siyempre, dahil may pantustos na sila sa kanilang pang-araw-araw na gastusin, susunod na ang tropa ni Penollo sa stay at home na panawagan ni Digong para hindi na kumalat pa ang virus. Hak hak hak! Hindi na dapat maging pasaway at matigas ang ulo sa panahon ngayon na hindi mo makikita ang kalaban, di ba mga kosa?

Ang ayuda para sa transport sector ay isa lamang sa isinusulong na proyekto ng City Hall habang pinaiiral pa ang enhanced community quarantine (ECQ). Maliban sa cash gifts aabot 104,612 na food packs, namigay din ang City go’vt. ng 54,904 anti-COVID-kits para sa senior citizens, PWDs at mga residente na mahina sa sakit. Ang food packs ay naglalaman ng bigas, mga delata, noodles, kape, cereal drink, at malinis na tubig at inaasahang tatagal ng 3-4 na araw sa pamilyang may 5 miyembro. O hayan, kosang Romer baka nabawasan ang natanggap mong food packs ha?

Ang mga kits ay naglalaman naman ng mga bitaminang aabot hanggang sa 30 na araw, masks, mga antibacterial na sabon, at mga materyales na naglalaman ng impormasyon sa tamang paghugas ng kamay, paano maglinis ng kanilang tahanan at kapaligiran, at iba pang impormasyon na kailangang malaman ukol sa sakit na COVID. Ang buwenas talaga ng taga-Taguig dahil tahimik lang na nagtatrabaho ang kanilang opisyal subalit bongga ang dating. Abangan!  

 

Show comments