MAY isang batang nangarap maging manunulat. Pero grade four lang ang natapos niya kaya sa halip na maging manunulat ay naging trabahador siya sa isang maliit na factory. Nabilanggo ang kanyang tatay dahil sa utang na hindi mabayaran kaya hindi siya nakapagpatuloy sa pag-aaral. Upang makatipid, sa bodega na rin ng factory siya nakikitulog.
Habang kapiling ang mga daga at ipis ay nagtiyaga siyang humabi ng mga kuwento sa oras ng kanyang pamamahinga. Lihim na lihim ang kanyang pagpapadala ng mga nobela sa mga publikasyon sa takot na pagtawanan. At least, kahit ma-reject ay sila lang ng editor ang nakaaalam. Hindi siya nagsawang magpadala ng kanyang mga nobela sa kabila ng mga rejection slip na natatanggap. Hanggang isang araw, nagbunga ang kanyang pagtitiyaga.
Isang editor ang nagandahan sa kanyang sinulat. Maliit lang ang natanggap niyang bayad pero para siyang nakalutang sa ulap habang pinakikinggan ang magagandang komento ng editor sa kanyang nobela. Ang papuri at pagkilala ng editor sa kanyang kakayahan ang nagpabago ng kanyang paniwala sa sarili at siyempre ng kanyang career.
Ang aking tinutukoy ay walang iba kundi si Charles Dickens, ang dakilang nobelista sa England noong 1812-1870. Ang ilan sa kanyang mga obra ay David Copperfield, Oliver Twist, Great Expectations at A Tale of Two Cities.
Sumikat ang kanyang mga nobela na kahit mga mahihirap na hindi marunong magbasa at sumulat ay nagkaroon ng interest na “mabasa” ang kanyang mga sinulat. Nag-aambagan ang mga ito para makakuha sila ng isang taong babayaran nila para magbasa ng nobela ni Dickens. Naging popular ang ganitong sistema dahil pagbabasa lang ng libro ang pinakamurang libangan ng mga panahong iyon.
Umasenso ang kanyang buhay dahil sa pagsusulat. Nadagdagan pa ang kanyang kinikita sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng tinatawag ng “public reading”. Siya ang magbabasa ng sarili niyang nobela. Magaling siyang mag-voice acting kaya lalong nasisiyahan ang publiko na makinig sa kanyang public reading. Ang kanyang public reading ay ginagawa sa malalaking coliseum na may kaakibat ng ticket selling na parang isang concert. Kuwento ng isang historian, maihahalintulad ang kasikatan noon ni Dickens sa mga K-pop sa kasalukuyan. May nahihimatay pa sa sobrang kilig habang nagbabasa ito ng sariling obra.
Namatay siyang kasama ang kabit na artista at hindi ang kanyang legal wife dahil matagal na silang hiwalay noon.