UMABOT na sa 52 ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Sa kabila na tumataas ang kaso, wala pang balak ang gobyerno na i-lockdown ang Metro Manila. Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), magdedeklara lamang ng lockdown kapag ang code red ay iniakyat na sa sublevel 2 o mayroon nang transmission sa mga komunidad. Kung magpapatupad ng lockdown, 14 na araw ang itatagal dahil ito ang incubation period ng virus. Pero ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, gagawin lamang ito sa kung kailangang-kailangan na.
Ayon sa pamahalaan, kaysa mag-lockdown, gawin na lamang apat-na-araw na trabaho sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Mas praktikal at epektibo anila ito para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, isusulong nila ang scheme at puwede rin itong gayahin ng pribadong sector. Bukod sa apat-na-araw na trabaho, isinusulong din nila ang flexi-work arrangements o ‘yung maaaring gawin sa bahay ay doon na gawin para makaiwas sa virus.
Pero sabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) malaking adjustment umano ang kanilang gagawin kapag pinayagan ang 4-day work week na panukala. Apektado rin umano rito ang pribadong sector kapag pinatupad ito. Marami umanong ma-lulugi at maaaring magsara kapag ipinatupad ang scheme.
Hindi pa nasusubukan ay binaril na agad ng BIR ang panukala. Maganda sana ang planong four-day work week sapagkat mapipigilan nito ang pagkalat ng sakit. Kung apat na araw lang ang trabaho, mababawasan ang paghahawahan.
Hindi sana ito kinontra agad ng BIR. Gagawin lamang naman ito ngayong pandemic na ang COVID-19 at halos lahat ng bansa ay gumagawa ng paraan para makontrol ang sakit. Mas maganda kung ang Presidente na mismo ang mag-uutos ukol dito. Baka sakaling maipatupad kung ang mataas na pinuno ang mag-uutos.