Sinalaula ng mga pulitiko ang isla ng Taal Volcano

“BEN, it’s out of money… out of corruption…” eto ang tahasang sagot sa akin ni Rep. Jose “Lito” Atienza ng Buhay Party List. Ang isyu, ang nabunyag na lihim – pagdami ng residente’t fish cages sa Taal Volcano island na isang no man’s land.

Sa special investigation na isinagawa ng BITAG, natuklasang mahigit 10,000 residente ang naninirahan sa isla. Ipinagbabawal ito sa batas dahil itinuturing na protected landscape ang Taal Volcano island.

Maituturing na isang private community ang mga barangay sa mismong isla. Ilegal ang kanilang deklarasyon bilang mga botante at hindi kinikilala ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Paanong dumami ang naninirahan at namumuhay sa isla gayung ayon sa batas, bilang protected landscape ay ipinagbabawal ang pagbulabog at paggalugad sa isla?  Ang may kapritso, mga pulitiko at kanilang mga kamag-anak na nagmamay-ari ng daan-daang fish cages sa isla!

Ang mga nasabing residente sa isla, mga caretaker ng naglalakihang fish cages sa Taal Lake. Ang mga may-ari, kung hindi pulitiko at kanilang mga kamag-anak, mga dayuhang Chinese at Taiwanese gamit ang ilang residente bilang kanilang dummy. Ang walang pakundangang pag-iisyu ng permit sa mga nagmamay-ari ng fish cages sa Taal ang dahilan naman ng pagdami ng mga istrukturang ito sa lawa.

Ayon mismo sa isang financier na nakapanayam ng BITAG, P100 kada fish cage ang kanilang ibinabayad sa Protected Area Management Board (PAMB). Ang PAMB ang pangunahing ahensiya na dapat ay pumuprotekta na huwag salaulain ang Taal Volcano island.

Bilang dating sekretaryo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), naniniwala si Atienza na hindi na kailangan ng bagong batas para protektahan ang lawa, bulkan at mismong isla ng Taal.

Kung mayroon man, dapat managot ang mga local officials lalo na ang mayor at gobernador sa mga isyung katulad nito. Kasalukuyang pinag-iisipan na raw ni Atienza na magsulong na ng ganitong tuntunin.

Mananagot na may kasamang pagkabilanggo ang mga local officials na hindi susundin at ipapatupad ang batas. Magandang halimbawa ay itong pagbabawal sa paninirahan sa isla ng Taal – ang tawag dito, accountability at liability.  

Bilang pagtatapos ng aking interview kay Atienza sa programa kong BITAG Live sa umaga, kapag binaboy daw ang kalikasan, gagantihan ka niyan.

All of these deteriorated because of corruption, Ben.

Show comments