ISANG 28-anyos sa Karnataka, India ang tumakbo ng 100 metro sa loob ng 9.55 seconds, na mas mabilis pa sa Jamaican sprinter na si Usain Bolt, na siyang may hawak ngayon ng world record para sa 100-meter sprint sa oras na 9.58 seconds.
Nagawa ito ni Srinivasa Gowda sa gitna ng tinatawag na Kambala o karera ng mga kalabaw sa Karnataka. Bahagi na ng tradisyon sa nasabing lugar ang Kambala, kung saan nagkakarera ang mga kalabaw habang hila nito ang mga lalaking sumasabay sa kanilang mga pagtakbo.
Ayon sa nag-organisa ng Kambala ngayong taon, nahigitan ni Gowda ang record ni Bolt noong Pebrero 2 nang tumakbo siya sa layong 100 metro sa loob lamang ng 9.55 segundo. Tinapos niya ang karera na may habang 143 metro sa loob ng 13.62 segundo.
Nagretiro na si Bolt sa pagtakbo noong 2017, matapos siyang magtala ng napakaraming world records at maging eight-time Olympic champion.