NAKAPANGNGANGALIT ang mga sumbong laban sa mga dayuhang nanlalamang at nang-aabuso ng mga kababayan natin. Subalit mas nakakainit pala ng ulo ang mga Pinoy na bumabastardo sa mga dayuhang kapamilya mismo nila.
Isang Pinay na dating TNT sa Japan ang lumapit sa BITAG. Humihingi raw ng saklolo ang kanyang kaibigang Japanese na kasal din sa isang Pinay. Ang Japanese ay 77-anyos at may stage 4 prostate cancer. Ang tanging kahilingan ng Japanese maipagamot siya at manumbalik ang lakas ng katawan.
Ayon sa Pinay na lumapit sa BITAG, pinabayaan na raw ng Pinay na misis ang Japanese, ayaw itong ipagamot. Sinubukan na niyang kausapin ang misis sa hinaing ng dayuhang mister subalit ito raw ang naging mitsa ng kanilang pag-aaway. Labis na awa ang nagtulak sa Pinay para lumapit sa BITAG. Nanganganib na raw ang kalusugan ng kanyang kaibigan kaya kailangan na itong maipagamot agad.
Noong araw ding iyon, kinumpirma namin ang sumbong. Isang team ng mga BITAG investigators ang pinalarga ko patungong Muntinlupa. Nag-imbestiga ang BITAG sa lugar at kinumpirma ng mga kapitbahay mismo na totoo ang kalagayan ng Japanese. Dahil hindi ito marunong mag-Ingles o Tagalog, nagsa-sign language daw ito sa kanila na masama ang kanyang kalagayan.
Pagtataka pa ng mga kapitbahay, tila walang pakialam ang misis nitong Pinay. Hindi ipinapagamot at hiwalay din sila ng tirahan. Sa ground floor nakatira ang misis habang nasa ikatlong palapag ang mister na Japanese.
Dito na kami lumapit sa Barangay Sucat na ipatawag ang misis at ang Japanese mismo. Dumating ito kasama ang kanyang ina, wala ang kapitan ng barangay at isang kagawad lamang ang humarap.
Inaasahan na ng BITAG ang pag-iinarte ni misis, siya na raw ang naghihirap at nagpupuyat sa maysakit na mister, siya pa ang inireklamo. Taliwas sa sumbong sa BITAG at sa mga natuklasan namin sa kanilang mga kapitbahay. Paliwanag ng BITAG, dahil pasok na sa file namin ang sumbong ay nais naming makasigurong may gagawin siyang aksiyon. Sasama kami sa pagpapagamot niya sa Hapones upang bumuti na ang kalagayan nito.
Ang siste, kinuwestiyon niya kami, bakit pa raw kami sasama, parang pinipilit daw siyang ipagamot ang matanda. Sarap pompiyangin ng kolokay, ipinaintindi ng BITAG na hindi na dapat siyang pilitin dahil obligasyon niya ito bilang asawa.
Subalit kinabukasan, hindi naganap ang napagkasunduang ipagamot ang matanda. Sa halip, sinu-summon ng barangay chairman ng Sucat ang Japanese dahil sa sumbong ng misis nito ng pananakit.
Nang makausap namin ang barangay kagawad na humarap sa amin, tumulong daw sila at may kasama pang ambulansiya. Ang tanong, paanong mangyayari ito eh tumakbo sa Laguna ang Japanese kasama ang kaibigang Pinay dahil sa takot nito sa patawag ni Chairman?
Muling binalikan ng BITAG ang Japanese, sa pagkakataong ito ay kasama na namin ang Muntinlupa City Social Welfare Development (CSWD) at Office of Senior Citizen Affairs (OSCA). Sila na mismo ang nagdala sa dayuhan sa ospital para magpa-check-up at magpa-laboratoryo ito.
Nadurog ang aking puso nang magsalita ang Japanese, wala na siyang babalikan sa Japan dahil wala na itong ari-arian pa roon. Nasa pangangalaga na ito ng kanyang misis na ang masaklap ay hindi pa siya mapagamot at maalagaan.
Nangako ang Muntinlupa CSWD at OSCA na tutulungan ang Japanese sa pagmo-monitor ng pagpapagamot at kalusugan nito. Kami rin sa BITAG ay magmamatyag sa progreso ng Hapones.