MARAMING dumarating na biktima ng investment scam sa tanggapan ng BITAG. Halos araw-araw napupuno ng mga nagrereklamo. Paulit-ulit din naman ang aking payo at ang paalala na oras na mabiktima ng modus na ito, say goodbye to your hard earned money. Hindi n’yo na ito mababawi kailanman.
Tanong ko sa kanila, bakit sa akin lumalapit? Ano ang maitutulong ko? Milyones daw ang nakulimbat na pera sa kanila, BITAGin ko raw o hulihin ang manloloko.
Linawin natin, tama na ang adbokasiya ng BITAG ay tumulong sa mga inabuso’t niloko. Pero sa mga biktima ng investment scam, nakipagtulungan ang mga biktima sa mismong manloloko.
Nagsimula ang lahat sa pagnanasang lumago at kumita ng perang hindi pinaghihirapan. Pangunahing pangako ng mga nasa likod ng investment scam, malaking tubo sa perang ipupuhunan.
Anong negosyo? Pautang sa mga casino o di naman kaya ay mga bogus na aktibidades o produktong drawing lamang.
Ikaw si negosyante, inatake ng katamaran at pagiging gahaman. Nadala sa matamis na dila ng manggagantso at nasilaw sa pangakong no sweat, double or triple your money!
Sa una, padadamahin ka, ibibigay pa sa iyo ang mataas na kitang ipinangako. Pang-engganyo ito ng dorobo para umulit ka at magkaroon ng ikalawang transaksiyon.
Sa pangalawang pagkakataon, kikita ka ulit, matatakam ka nang lakihan ang perang pinuhunan. Ikatlo, magdadahilan na ang manlolokong medyo humihina ang negosyo kaya babawi na lang siya sa susunod.
Sa ikaapat o ikalimang engkuwentro, itaga mo sa bato, maglalaho na ang dorobo. Ganito kasuwitik ang mga manggagantso sa likod ng investment scam, kahit ang putik ay mabebentang mineral water.
Babalik ulit ako sa pagpapaalala, mga senyales na manloloko ang katransaksiyon: (1) Too good to be true ang investment. Nag-aalok ng napakalaking kita sa loob ng maikling panahon
(2) Walang mga dokumento o permit mula sa Securities and Exchange Commission (SEC); (3) Pagre-recruit ng mga miyembro at; (4) Pini-pressure ang namumuhunan na maglabas agad-agad ng pera.
Kalimitang tanong ng mga nagising sa bangungot na kanilang pinasok, Sir, mababawi pa ba namin ang pera? Sagot ko, hindi na. Kahit daw ba magsampa ng kaso? Mabubulok na sa kulungan yan pero hindi na mababalik ang pera.
Sad but true. Kaya naman mataas ang respeto ko sa mga negosyanteng ang puhunan ay pawis, luha, sipag at tiyaga.