MAY isang Mayor na pangarap magpatayo ng magandang simbahan sa kanilang bayan upang patunayan niya ang kanyang dakilang pagmamahal sa Diyos. Kaya’t nang simulan ang pagpapagawa ay ipinakiusap ni Mayor sa lahat ng mga taong kanyang nasasakupan na huwag nang magbigay ng donasyon para sa pagpapagawa ng simbahan. Sosolohin niya ang gastos.
Lingid sa kaalaman ng mga tao, gusto niya ay sa kanya lamang manggagaling ang ipagpapagawa ng simbahan. Nais niyang solohin ang kredito.
Pagkatapos ng mahaba-habang panahon ay natapos ang ipinagawang katedral. Sa entrance ng simbahan ay may ma-laking marmol kung saan nakaukit ang kumpletong pangalan ni Mayor at nakasaad ang mga sumusunod:
“Si Mayor lamang ang mag-isang gumastos sa pagpapagawa ng simbahang ito.”
Ngunit isang araw ay may pangalan ng babae na isiningit sa tabi ng pangalan ni Mayor. At nagbago ang nakasaad: “Kaming dalawa ang nagpagawa ng simbahang ito.”
Pinahanap ni Mayor ang babaeng nagmamay-ari ng pangalan upang pagsabihan sa kabastusang ginawa nito sa kanyang marmol. Ilang saglit pa’y nasa harapan na niya ang babae. Hindi pa natatanong ni Mayor ang babae ay biglang pumailanlang ang boses ng Diyos.
“Ako ang nagsulat ng pangalan ng babae sa katabi ng iyong pangalan. Gustung-gusto ng babaeng ito na magbigay ng donasyon ngunit nag-aalala siya na magalit ka. Upang huwag lumabag sa iyong kagustuhan, ang babae ang nagbibigay ng pagkain at inumin araw-araw sa lahat ng taong pinagtrabaho mo sa simbahan. Dahil sa pagkaing ibinigay niya, naging masigla ang katawan ng mga trabahador kaya mabilis na natapos at naitayo ang simbahang alay mo sa akin.”
Pinabura ni Mayor ang kanyang pangalan sa marmol at inilagay na lang ang pangalan ng babae. Mula pala sa kinita ng babae sa pagtatanim ng palay ang ginastos nito sa mga trabahador. Samantalang ang perang ginastos ni Mayor ay hindi niya masyadong pinagpaguran at galing lamang sa tax na ibinayad ng mga tao. Mas karapatdapat na parangalan ang babae kaysa kanya.