HINDI kailanman naging layunin ng BITAG ang manggulo, mang-away. Ang aming adhikain sa bawat sumbong ay masolusyunan ang problema’t magbigay ng hustisya.
Kaya’t mahalaga sa amin ang agarang pakikipagtulungan ng mga inirereklamo o respondent. Kung may dala man ka-ming mga camera sa aming pagbisita, para ito sa proteksiyon ng magkabilang panig.
Lilinawin ko ang sumbong na inilapit sa amin kamakailan ng isang empleyado ng Eurotel. Labingdalawang taong nagsilbi sa Eurotel Las Piñas, pilit daw pinagre-resign bago gawing regular sa trabaho.
Lito ang nagrereklamo kung ano ang kanyang gagawin at kung makatarungan ba ang alok na ito. Hirap siyang makausap ang pamunuan mismo ng kompanya kaya sa BITAG siya nagpatulong.
Sa totoo lang, maayos kausap ang pamunuan ng Eurotel. Sumagot sila sa aming tawag pero limitado ang mga kasagutang binigay kaya’t nag-abiso kaming pupunta sa kanilang tanggapan kasama mismo ang nagrereklamo.
Inanyayahan kami sa kanilang tanggapan sa SOGO Cubao, iisang kompanya lang pala ito at ang Eurotel. Humarap ang matataas na managers subalit ikinagulat ng aking mga investigators nang ipapatay ang aming mga camera.
Nag-abiso pa raw sila sa aking nakababatang kapatid na si Tol Erwin na sabihan ang BITAG na walang camera. Eto ang isinagot ko sa kanila:
Wala silang dapat ikatakot dahil handa naman silang solusyunan ang problema. Responsibilidad ng BITAG sa publiko na idokumento ang kanilang pagharap sa ngalan ng patas na pamamahayag.
Ikalawa, ako at si Tol Erwin ay magkaiba ng kompanya, walang sinuman sa mga kapatid ko ang nakikialam sa amin sa BITAG. Pare-pareho man kami ng adbokasiya sa pagsisilbi sa publiko, hindi sila kabahagi ng BITAG.
Ang BITAG kapag nagtrabaho, doon lamang sa kung ano ang saklaw ng batas. Dokumentado ang pagtanggap namin sa bawat sumbong, dokumentado rin naming kukunin ang panig ng inirereklamo.
Hindi estilo ng BITAG ang magkuwento at mag-script lang. Katotohanan, totoong pangyayari ang ipinapakita namin kaya mahalaga ang mga camerang aming dala.
Eto ang patas na imbestigasyon. Kaya sa susunod, hindi n’yo dapat iwasan ang mga camera ng BITAG. Proteksiyon ‘yan ng magkabilang panig sa bawat tinatrabaho namin! Mas delikado kung patay ‘yan at may gagawin kaming aksiyon sa isang sumbong.