ISANG magsasaka ang nagpunta sa opisina ng parish priest upang magbigay ng donasyon. Kasalukuyang ipinagagawa ang simbahan na sinira ng bagyo.
“Father, tanggapin po ninyo itong P20,000 para pandagdag sa pagpapagawa ninyo ng simbahan.”
“Salamat Indo. Malaking tulong din ang perang ito sa ating simbahan. Mukhang malaki ang kinita mo sa iyong palayan.”
“Naku hindi po. Sa katunayan ay inabot po ng bagyo ang mga palay. Isang linggo bago mag-ani ay dumating na ang bagyo kaya lugi ako Father.”
“Buti at nagkaroon ka pa ng budget para pangdonasyon sa simbahan”
“Ang totoo Father, ang donasyon na ‘yan ay galing sa aking mga Persian cats na inaalagaan. Panata ko na simula nang ako ay nagkamalay na ilaan ang araw ng Linggo sa pagdarasal lang at pagsamba sa Diyos.
Ipinagbabawal ko sa aking mga anak ang pagtatrabaho sa araw ng Linggo. Ang problema, hindi ko naman puwedeng pigilan ang aking mga Persian cats na makipag-loving-loving kapag araw ng Linggo. Alam n’yo na… mga “hot” sila lalo na kapag “mating season” kaya sunod-sunod na nabuntis ang mga ito. Ano bang malay nila tungkol sa sexual abstinence kapag araw ng Linggo. Kaya para mabawasan ang kasalanan ng mga pusa sa Diyos, itinago ko ang 25 percent ng aking kinita sa pagbebenta ng Persian kuting para i-donate sa simbahan.”