PANATA na ng mga Pilipino ang Bagong Taon ay simbolo ng maayos na simula ng mga adhikain sa buhay.
Pero paano kung ang inaasahang panimula, pinagkakait ng mga manggagantsong kompanya tulad ng nasa kolum na ito na inireklamo sa tanggapan ng BITAG.
Reklamo ng isang call center agent, Oktubre 2019 ng siya’y magsimulang magtrabaho sa Inspiro Relia Incorporated, isang Business Processing Outsource (BPO). Subalit mula Nobyembre 2019 hanggang ngayong Enero 2020, ni singkong duling walang binayad sa kanyang serbisyo.
Wala silang angal kapag pilit na pinagre-report ng night shift. Kaya laking hinanakit niya na ang pinagpaguran ay lalabas na O-TY imbes na overtime. Natapos na nga raw at lahat ang kanyang kontrata sa Inspiro Relia Inc. at nagbagong taon na. Ganoon pa rin ang sagot ng kompanya sa kanya, “wala pa raw kaya antay-antay muna”.
Sinisisi rin daw ng Inspiro ang kanyang bisor na may dahilan bakit na-delayed ang kanyang sahod. Nagsawa na ang pobre sa lumang palusot ng kompanya kaya sa BITAG na dumiretso.
Kaya bilang paggalang sa patas na pag-iimbestiga, tinawagan ko ang mismong Human Resources (HR) Senior Manager ng Inspiro para makuha ang kanilang panig.
Pero ‘di pa man ako nagsisimula, umentra na kaagad ang hambog na HR. Hindi raw siya makikipag-usap sa BITAG at magkaso na lang ang nagrereklamo laban sa kanilang kompanya.
I don’t want to be rude, pero isa sa mga mantra ko at ng buong BITAG ay “respect begets respect”. Kaya nang pakitaan ako ng bastos na lengguwahe ng kumag, ito rin ang ibinalik ko sa kanya. Sinamahan ko na rin ng instant larga para may bonus siya.
Ganito ang inaasal karamihan ng mga guilty na inirereklamo o respondent.
Ito ang mga aktuwalidad at reyalidad na ipinakikita ng BITAG. Maaaring mag-iwan ng masamang panlasa iba dahil may pagka-brusko ang estilo.
Ang sumbong na ito ay isa lamang sa reyalidad, mga totoong biktima’t sumbong na nagaganap sa ating labor sector. Pinagpaguran mo na, pinahihirapan ka pang makuha ang nararapat.
Ang dapat ipukpok sa kukote ng kompanyang ito, dapat pahalagahan ang mga tauhan. Hindi niyayabangan, hindi binabastos at hindi ginagantso. Walang kompanya ang nagtagumpay ng hindi dahil sa tulong ng kanyang mga empleyado.
Sa Inspiro Relia Inc., hindi pa tapos ang BITAG sa inyo.