MAY tatlong puno na may iba’t ibang pangarap. Ang pangarap ng una ay maging baul ng kayamanan. Ang pangalawa ay maging malaking barko kung saan hari at reyna lang ang kanyang isasakay. Ang ikatlo ay maging mataas na mataas na puno para maabot niya ang langit at mapalapit sa Diyos.
Ngunit isang araw ay bigla na lang silang nilagare ng lalaki. Ang unang puno ay naging kahon na patungan ng dayami sa kulungan ng mga hayop sa halip maging baul ng kayamanan.
Ang pangalawang puno ay ginawang maliit na bangka ng mangingisda sa halip na barko ng hari at reyna.
Ang ikatlong puno ay nilagare lang at itinambak sa isang sulok sa halip na pabayaang lumaki hanggang kalangitan.
Isang araw, may mag-asawang dumating sa kulungan ng mga hayop. Ang babae’y biglang nanganak at ang sanggol na isinilang ay sa kahong may dayami pinahiga. Kakaibang kasiyahan ang nadama ng unang puno. Alam niyang higit pa sa kayamanan ang sanggol na nakahiga sa kanya.
Lumipas ang maraming taon, buo pa rin ang maliit na bangka na yari sa ikalawang puno. Isang grupo ng mga kalalakihan ang sumakay sa kanya. Habang nasa gitna ng dagat, nagkaroon ng malakas na bagyo. Isa sa mga lalaki ang kumumpas sa gitna ng dagat. Sa isang iglap ay tumigil ang bagyo. Alam ng ikalawang puno, higit pa sa hari ang kanyang sakay nang oras na iyon.
Minsan, biglang na may kumuha sa ikatlong puno, ang nilagare at pagkatapos ay itinambak lang sa isang tabi. Ipinabitbit siya sa balikat ng isang lalaki. Ginawa siyang instrumento para pahirapan ang lalaki. Habang bitbit siya ay iniinsulto ang lalaki ng mga sundalo. Ang lalaki’y namatay sa piling niya. Sa nilagareng puno ipinako ang Panginoong Hesukristo. Higit pa sa pangarap niyang maabot ang langit. Ngayon, mismong ang katawan ng Anak ng Diyos ang nakabayubay sa kanya.