SA Chinese calendar, ang 2020 ay “Year of the Metal Rat.” Ang daga ang una sa 12-taong cycle ng Chinese zodiac. Marahil ay wala tayong maiisip na mabuti tungkol sa daga, ngunit sa mga Chinese ang daga ay sagisag ng kasiglahan, kalakasan, pagiging alerto at kagalingang umayon sa mga pagkakataon. Ayon sa mga Chinese, ang mga ito ang katangiang kailangan natin upang maging matagumpay sa bagong taon.
Ayon sa mga political at economic analysts, ang mundo’y mahaharap sa mga radikal na pagbabago sa taong ito, kung kaya’t lalong magiging “stressful” ang buhay. Maging si Nostradamus ay humula na babagsak ang ekonomiya ng buong mundo sa taong ito. Ang tinaguriang “Nostradamus of the Balkans” ang bulag na si Baba Vanga ay humula sa mga mangyayaring kalamidad na tulad ng malalakas na lindol. Ang pinakanakakatakot ay ang hula niya na magkakaroon ng pagbabago sa pag-inog ng mundo sa 2013. Hinulaan niya na magwawakas ang mundo sa 5079.
Ang piniling kulay ng taon ay “classic blue” o bughaw na tulad ng kulay ng langit upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos sa pagharap sa mabibigat na hamon ng buhay. Dinadala tayo nito sa isang magandang perspektibo: ang 2020 ay hindi taon ng daga o anumang hayop. Ang 2020, gaya ng susunod pang mga taon ay “Year of the Lord.” Ang kailangan natin ay pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos upang mapagtagumpayan natin ang mga takot at pag-aalala.
Sa Colosas 1:16-17 ay may ganitong sinasabi, “Sapagkat sa pamamagitan ni Cristo ay nila-lang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya.”
Samakatuwid, ang Diyos, sa pamamagitan ni Cristo, ang may kontrol sa lahat ng bagay, sapagkat hawak ng makapangyarihan Niyang mga kamay ang lahat ng bagay. Samakatuwid, hindi nakasalalay ang ating kaligtasan at kinabukasan sa mga bitwin o maging sa guhit ng ating palad, kundi sa Diyos.
Paano natin haharapin ang 2020 bilang isang bansa? Ang sagot: Magtiwala tayo sa Diyos at magtiwala tayo sa isa’t isa. Ang pagtitiwala sa Diyos ay nangangahulugan ng paglalagay natin sa Kanyang mga kamay ng mga bagay na hindi natin kontrolado na tulad ng pagdating ng kinatatakutan nating “The Big One” o pagyanig ng malakas na lindol sa Metro manila na tinatayang papatay ng mahigit sa 35,000 mga tao. Ang pagtitiwala natin sa isa’t isa’y nangangahulugang pagtataas natin sa ating magagandang katangian bilang isang lahi.
Tapusin na natin ang pagmamaliit natin sa ating mga sarili. Kapag may lumutang na hindi magandang ugali, ang lagi nating sinasabi ay “Pinoy kasi.” Hindi iyan ang ating kalikasan. Tayo’y isang lahing may angking talino at dangal. Kapag may magandang ugaling lumutang, ang dapat na sinasabi natin ay “Iyan ang tunay na Pinoy.”
Angkinin natin na ang 2020 ay taong ibinigay sa atin ng Diyos upang ibangon ang ating bansa. Magkaisa tayo sa isip, puso’t diwa. Sa grasya ng Diyos, maniwala tayong may magandang mangyayari sa Pilipinas sa taong ito!