HINDI maiiwasan na sa bawat kasong tinatrabaho ng BITAG ay may tensiyong mamamagitan sa tatlong panig – ang nagrereklamo, ang inirereklamo at ang BITAG.
Kapag kaharap namin ang bawat respondent o inirereklamo (hindi news source na sinasabi ng iba riyan), layunin naming makuha ang kanyang kasagutan sa sumbong na inilapit sa amin. Asahang magkakaroon ng sagutan dahil sa ‘di pagkakaunawaan o kalituhan, subalit umpisa pa lamang ito ng imbestigasyon. Dito magaling ang BITAG, kalkalin ang ugat ng problema.
May ilan, ipagpipilitan ang kanilang baluktot na katwiran. Mali na nga ayon sa batas ng Diyos at tao, ipagduduldulan pa ring tama ‘wag lang silang lumabas na kahiya-hiya.
At marami, matapos ang panandaliang alitan ay nakakaunawa at agad naiintindihan ang problema. Ang pinakamaganda, handang tumulong para sa ikareresolba ng reklamo.
Etong Wonderful International Services sa Quezon City, inireklamo sa BITAG dahil sa pang-iipit ng bagahe ng isang OFW na napauwi mula Japan. Noong 2018 pa nakauwi ang OFW at pabalik-balik ito sa agency para makuha ang nag-iisang maleta.
Iniwan niya raw ang kaniyang bagahe sa Foreign Recruitment Agency (FRA) sa Japan sa dahilang “no baggage allowance” ang ticket na ibinigay ng Wonderful agency pauwi ng Pinas. Pero nang kukunin niya na ito, ayaw ibigay ng ahensiya sa dahilang may kaso pa raw siya.
Hindi malinaw ang kanyang sumbong kaya’t minabuti ng BITAG na malaman mismo ang sitwasyon ng problema sa Wonderful International Services. Kasama ang mga pulis ng Anonas, kawani ng Bgy. Sikatuna at ang nagrereklamo, binisita namin ang opisina. Pasalamat naman kami at mismong operations manager at ang anak ng may-ari ang humarap sa amin.
Maraming dahilang ibinigay ang ahensiya kung bakit hindi nila mai-release ang bagahe ng OFW, kesyo may kaso raw ito na hindi naman nila matukoy. Sa huli, nagkatalo lamang pala sa baggage fee umano na kanilang binayaran mula Japan para madala ito sa Pinas. Ilang pirasong chocolates at damit na pasalubong para sa kanyang mga anak ang laman ng maleta ng ginang. Inipit ng isang taon dahil lamang sa pinapabayarang baggage fee na kung tutuusin, kasalanan ng ahensiya dahil sa klase ng ticket na ibinigay sa OFW.
Matapos ang sandaling sagutan ng mga representante ng ahensiya, nagrereklamo at BITAG, humupa rin ang tensiyon. Mismong ahensiya na ang nagsabing ibabalik na nila ang bagahe nang matapos na ang problema.
Ito ‘yung mga klase na iginagalang ng BITAG. Hindi na pinahahaba pa ang diskusyon, bagkus nagiging kaparte ng resolusyon ng isang problema.
Masayang Pamasko sa magkabilang panig. Tapos ang alitan, tapos ang problema, wonderful ang ending!