ISANG araw na lamang ay kapanganakan na ni Kristo Hesus. Okasyon na sinasabing lalo dapat magbigayan at magmahalan.
Pero kung may mga dorobong hindi alintana ang kapaskuhan sa pambibiktima, hindi rin sasantuhin ng BITAG na lambatin ‘yan.
Etong Pinoy World Assist Consultancy sa Nueva Ecija, mga public school teachers ang biktima’t pinangakuan ng trabaho sa New Zealand.
Daang libo na ang ibinayad ng mga guro at pinangakuang makaaalis sa loob ng 6 na buwan. Subalit taon na ang inabot, walang napala ang mga gurong nagrereklamo.
Malinaw na may panloloko rito dahil hindi puwedeng mag-alok ng trabaho sa ibang bansa ang anumang consultancy agency. Pagpuproseso lamang ng visa ang kanilang serbisyo.
Aksiyon ora mismo, nagpadala ako ng senior investigator para linawin ang reklamo ng mga guro. Ang mismong may-ari ng agency ang una naming nakausap.
Sa undercover na isinagawa ng BITAG, tigas pagmamalaki ng may-ari na 100% ay magiging residente sa New Zealand ang mga aplikante.
Teacher daw kasi sila kaya garantisado ang kanilang trabaho’t buhay sa New Zealand. Sa katunayan, wala pa raw silang napaalis na hindi nabigyan ng trabaho.
Nag-iba na ang ihip ng hangin nang magpakilala kaming taga-BITAG. Biglang naghugas-kamay ang may-ari, hindi raw siya nangangako ng trabaho dahil walang job offer.
Nang ma-corner ng BITAG senior investigator si Kolokoy lalo sa pag-iisyu ng pekeng resibo, nagsimula na itong nagwala. Pinagmumura at pinagsisigawan na ang mga nagrereklamo, staff ng BITAG, Cabanatuan Police at mga kawani ng Cabanatuan Business Permit and Licensing Office.
Nakausap ko siya sa telepono, iba ang kanyang paliwanag sa akin sa sumbong ng mga nagrereklamo. Kandautal-utal pa ang kumag sa pagbibigay ng kanyang baluktot na sagot.
Habang kausap ko naman sa telepono ang Cabanatuan City BPLO Inspector, pasimpleng tumakas ang may-ari ng ahensiya. Missing in Action na ito’t hindi na mahagilap.
Nanatili ang aking mga staff sa Cabanatuan para idiretso naman ang sumbong na pekeng resibo sa Bureau of Internal Revenue (BIR) District 23-B. Subalit mukhang may holiday fever na ang empleyado dahil 2 oras kaming pinaghintay kasama ang mga nagrereklamo sa hagdan ng kanilang tanggapan. Saka lumabas ang isang empleyado’t sinabihan kaming some other day na lang magreklamo.
Holy mackerel! Nawa’y maging masaya ang inyong Pasko sa inyong mga ginawa at pagsapit ng taon 2020, magbago na kayo ng estilo!
Iligal ang operasyon ng Pinoy World Assist Consultancy kaya’t hindi dito natatapos ang BITAG. Palilipasin namin ang Pasko’t Bagong Taon pero babalikan namin ang mga dapat managot!