HIMALA ang pagkakaligtas ng van driver na si Yu Lin, 32 ng Nanyang, Henan Province, China. Dumausdos ang kanyang van at nahulog sa gilid ng bundok pero nasalo ng isang dumadaang trak. Nakaligtas siya sa tiyak na kamatayan. Ni hindi man lang siya nagalusan.
Umuulan nang malakas ng hapon na iyon. Foggy ang kapaligiran kaya halos hindi makita ni Yu ang kalsadang dinaraanan. Binagalan niya ang pagpapatakbo sa kanyang van. Delikadong magpatakbo sapagkat madulas ang daan. Ayon kay Yu, susunduin niya ang kanyang 5-taong gulang na anak na babae sa bahay ng kanyang kaibigan.
Palusong ang kalsada. Nakaalalay siya sa preno para hindi ito madulas. Pero lingid sa kaalaman ni Yu, marami na palang putik ang nakakalat sa kalsada dahil sa malakas na ulan. Inanod ang putik mula sa bundok. Hanggang sa maramdaman ni Yu na dumadausdos ang van kahit na nakatapak siya sa preno. Wala nang control sapagkat dumudulas ang gulong dahil sa rami ng putik. Slow motion ang pagdausdos niya.
Hanggang sa pumikit na lamang si Yu at naghintay nang anumang mangyayari. Natatakot siyang tumalon. Bahala na!
Hanggang sa makarinig siya ng kalabog. At tumigil siya sa ere. Alam niya naka-hang siya. Bibitin-bitin siya.
Hanggang sa malaman ni Yu na bumagsak pala ang kanyang van sa dumadaang 10-wheeler truck. Nasambot nito kaya hindi nagtuluy-tuloy. Naipit ng truck ang van sa pagitan ng bundok.
May mga nakakita sa aksidente at sila man ay namangha. Suwerte raw si Yu na nakaligtas sa aksidenteng iyon. Ni isang galos sa katawan ay wala si Yu.