Dear Attorney,
Iniwan po kami ng aming ama noong kami ay mga bata pa. Kinaya naman po kaming palakihin mag-isa ng aming ina, na nagawa pang makapagpundar ng ilang mga ari-arian. Ngayong may edad na ay nag-aalala po siya na baka may makuha pa ang ama namin sa mga ari-arian niya kapag siya ay namayapa na. May parte pa rin po ba ang ama namin sa mga ari-ariang mag-isang naipundar ng aming ina kahit napakatagal na nilang hindi nagsasama? -- Jenny
Dear Jenny,
Kung hindi naman napawalang-bisa ang kasal ng iyong mga magulang ay magmamana pa rin sila mula sa isa’t isa sakaling ang isa sa kanila ay mamayapa na. Magiging kahati mo at ng iyong mga kapatid (kung mayroon man) ang inyong ama sa mga maiiwang ari-arian ng inyong ina dahil bilang asawa ay isa siya sa compulsory heir o sapilitang tagapagmana ng inyong ina sa ilalim ng ating Civil Code.
Kung ayaw ng inyong ina na magkaroon ng bahagi ang inyong ama sa kanyang maiiwanang ari-arian ay maari siyang gumawa ng Last Will alinsunod sa Article 916 ng Civil Code. Sa pamamagitan ng nasabing kasulatan, maari niyang i-disinherit o tanggalan ng mana ang inyong ama at ilalahad niya roon ang tiyak na dahilan ng disinheritance ng inyong ama. Maari niyang ilagay bilang dahilan ang pag-abandona ng inyong ama sa inyo, o ang pagkakait niya ng suporta sa inyo, na pawang mga grounds ng disinheritance ng isang asawa sa ilalim ng Article 921 ng Civil Code.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad dito ay base lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.