Sa langit lang pumupunta

“HINDI po muna ako pupunta dito bukas, Manang,” paalam ng cleaning lady sa aking ina. Noon ay November 1 kinabukasan.

“O, sige. Para maasikaso mo naman ang puntod ng iyong asawa,” sagot ni Nanay.

“A, hindi po. Sasamahan ko ang aking anak na magpapa-check up sa doktor. Hindi po namin ipinagdiriwang ang Undas sa aming relihiyon.”

“Bakit?”

“Hindi na namin kailangang ipagtirik sila ng kandila o alayan ng dasal at bulaklak dahil naniniwala po kami na nasa maganda na silang lugar…na mas maligaya na sila sa kanilang kinaroroonan.”

Narinig ko ang usapan. Ngumiti ako sa cleaning lady. Nakisali na rin ako sa usapan.

“So ibig mong sabihin, hindi kayo naniniwala sa purgatoryo at impiyerno?”

“Walang ganun. Sa langit lang nagpupunta ang lahat ng kaluluwa,” sagot sa akin.

Ang cleaning lady  ang tagapaglinis ng bahay naming walang nakatira sa probinsiya kada buwan. Kahit walang nagbabantay o nagmamando, buong husay niyang nililinis ang bahay. Cleaning lady din siya ng aking ibang kamag-anak.

Saglit na nakalimutan  ng aking pinsan na may itinago siyang P10,000 sa closet. Minsan ay ipinaayos ni Pinsan kay Cleaning lady ang closet. Siya ang nakakuha sa P10,000 na nakaipit sa pagitan ng mga damit na nakatiklop. Kagaya ng dapat asahan sa isang taong matapat, isinauli niya ang pera sa aking pinsan. Marami ang kumukuha ng kanyang serbisyo dahil tunay siyang mapagkakatiwalaan.

Naisip ko, mainam na rin ang paniwalang umiiral sa relihiyon ni Cleaning Lady. May maganda itong epekto sa pagkatao nila. Porke ang alam nila’y langit lang ang pinupuntahan ng mga kaluluwa, ginagawa nilang maging karapat-dapat silang tagapagmana ng kaharian ng Panginoong Diyos.

Show comments