LIBU-LIBONG South Koreans na ang nagsasagawa ng sarili nilang “living funeral” o lamay habang sila ay nabubuhay pa sa Hwoyon Healing Center sa Seoul sa pag-asang mapapabuti nito ang kanilang buhay.
Dosena-dosena ang sabay-sabay na nagsuot ng pamburol, nagpapakuha ng kanilang huling larawan, gumagawa ng huling habilin, at humihiga sa loob ng kabaong ng 10 minuto.
Ayon sa namumuno sa Hwoyon Healing Center na si Jeong Yong-mun, inalok nila ang living funeral sa publiko upang magkaroon ng bagong pagpapahalaga ang mga tao sa kanilang mga buhay kapag naranasan na nila kung paano yumao. Makakatulong din daw ito upang mapatawad na at makapag-ayos na ang mga lumahok sa mga nakaalitan nila.
Natutuwa raw si Jeong kapag may mga nakikipagbati na sa kanilang mga mahal sa buhay matapos silang lumahok sa living funeral ng Hwoyon Healing Center.
Tinatayang nasa 25,000 na ang sumailalim sa living funeral simula nang ialok ito sa publiko noong 2012.