Driver, himalang nakaligtas matapos lumusot sa windshield ang mga troso

Himalang nabuhay ang isang driver sa Georgia, USA matapos bumangga ang kanyang minamanehong sasakyan sa likuran ng isang truck na may kargang troso. Nahulog ang mga troso at lumusot sa windshield ng kanyang sasakyan.

Bagamat tumagos ang mga troso hanggang sa likurang salamin ng sasakyan, hindi naman tumama ang kahit isa sa mga ito sa driver.

Nakayuko raw ang driver para may abutin sa sahig ng sasakyan nang mangyari ang banggaan kaya mapalad siya na lumusot ang kanyang ulo sa pagitan ng mga troso.

Masasabing napakasuwerte raw ng driver ayon sa mga rumespondeng pulis sapagkat parang sinukat ang ulo niya na nagkasya sa puwang ng mga troso.

Nasa 30 hanggang 40 na troso ang lumusot sa windshield. Kinailangan pang putulin ang mga ito gamit ang chainsaw kaya natagalan ang rescuers na mailabas mula sa sasakyan ang driver.

Sa kabila ng lahat, minor injuries lang ang tinamo ng driver at inaalam pa kung may naging kapabayaan siya sa pagbangga sa truck ng troso na maaring maging basehan ng anumang reklamo laban sa kanya.

Show comments