(Part 9)
AYON sa janitor ng dati kong school sa Maynila na si Mang Fred at kagaya ko ring lapitin ng multo:
“Kailangang may isa kang kaluluwa na matulungang maitaas mo sa kabilang buhay para maisara mo ang iyong 3rd eye at matigil na ang paglapit ng multo sa iyo. Alam ng mga multo na nakikita mo sila kaya para kang nagiging magnet sa kanila.”
“Okey lang po sa inyo na laging napapalibutan ka ng multo?”
“Oo, kaya nga ako kumikita ng malaki ay nagsisilbi akong tulay para magkaroon ng komunikasyon ang mga buhay at patay.”
Palibhasa ay genuine ang kakayahan ni Mang Fred na makipag-usap sa mga kaluluwa, hindi na niya kailangang magdrama na kunwa’y magta-trance at sasapian ang kanyang katawan ng kaluluwang nais kausapin ng kliyente. Deretsuhan ang pag-uusap ng kaluluwa at kanyang kapamilya. Magtatanong ang kliyente na naririnig naman ng kaluluwa. Si Mang Fred ang sasagot para naman sa mga kaluluwa dahil siya lang ang nakakarinig ng sinasabi nito. Hindi na kailangang sapian ito ng multo para lang makipagkomunikasyon.
Naalaala ito ni Jef kaya niyaya niya ang ina na puntahan nila si Mang Fred sa Maynila.
“Mama si Mang Fred ang makakatulong sa akin para hindi na ako maging lapitin ng multo.”
Pumayag naman kaagad ang ina na puntahan nila ang matanda dahil batid niya kung paano pinoproblema ng anak ang pagiging lapitin ng multo. Hindi nagtagal ay kaharap na nila si Mang Fred sa bahay nito.
Una sinabi ni Jef na si Laura ang nais niyang tulungan na maitaas na ito sa kabilang buhay. Ikinuwento niya na nakakulong na ito sa school bus. Nabanggit din niya na tila may humahadlang na nilalang para hindi ito makalabas sa school bus. Isang malaking puno na tila may tumutulong nakakadiring berdeng likido.
Nagsindi ng dalawang kandilang puti si Mang Fred. Pinuntahan ng kanyang isipan ang school bus na kinaroroonan ni Laura. Mga 20 minuto rin itong nakapikit at tila naglakbay ang kanyang diwa. Maya-maya ay nagmulat ito.
“Ito palang kaibigan mong multo, si Laura ay hindi sa sementeryo nakalibing kundi sa ilalim ng puno. Naperwisyo ng kanyang bangkay ang enerhiya ng puno kaya nasira ito at naging nakakadiri ito kagaya ng nakita mo. Bilang parusa kay Laura, ikinulong nila ang espiritu nila sa school bus. Mahihirapan kang maitaas mo si Laura sa kabilang buhay. ”
(Itutuloy)