Nasa 101 na local governments units (LGUs) ang pinadalhan ng ‘show cause order’ ng DILG makaraang mabigo sa iniutos na clearing operations sa kanilang mga nasasakupan.
Lumaki ang naturang bilang dahil dati eh 97 lamang.
Bukod pa rito ang mga barangay officials karamihan ay sa Maynila na mukhang nagtulog din sa kanilang mga lugar kaya kailangan ding bigyan ng ‘ show cause order’.
Ayon sa DILG, bigo ang may 101 LGUs o hindi nakatugon sa 60 araw na taning .
Nakapagtala ang DILG ng 22 percent na pagtaas sa mga low-compliant na LGUs, habang 28 percent sa medium-compliant.
Hihintayin na lang ng DILG ang paliwanag ng mga pinadalhan ng ‘show cause order’ para alamin kung dapat ba silang sampahan ng kaso sa Ombudsman.
Mismong si Pangulong Digong ang nag-utos na linisin at ibalik sa publiko ang mga lansangan na karamihan ay inangkin na nga ng mga illegal vendor at ang iba eh talagang istraktura na ang itinayo.
Bagamat nasaksihan naman ang pagpupursige ng LGUs mistulang hindi kinaya sa ibinigay na 60 araw na taning dahil may nakikita pa ring mga sagabal sa daan sa ilang lugar.
Hindi lang matiyak kung nalinis na ba ito at nagsibalikan lang dahil hindi na nababantayan matapos ang deadline.
Dapat kasi binabalikan, para hindi masalisihan.
Ngayon hihintayin na lang ang paliwanag ng mga hindi nakatugon at kung hindi katanggap-tanggap ang katwiran , kaso ang kanilang kinahaharap.
Dito na magkakaalaman kung talagang may masasampolan ang DILG, hindi lamang LGUs kundi pati mga pabayang barangay officials.