GRABE na talaga ang trapik sa EDSA na ang malaking oras ng mga motorista, empleyado at estudyante ay ninanakaw. Sa pag-aaral, nasa P137 bilyon ang nasasayang sa pamahalaan dahil sa trapik. Ganito kalaking halaga ang nawawala na kung masosolusyunan ang trapik ay malaking tulong sa kaban ng pamahalaan.
Kaya marami ang naglulutangang ideya para malutas ang trapik sa EDSA. Pinakabagong proposal ay nagmula sa isang mambabatas na ang dapat daw gawin sa EDSA ay isang road tunnel. Pero hindi lang para sa mga sasakyan ang proposed niyang tunnel. Puwede rin itong daanan ng tubig kapag panahon ng tag-ulan o tagbaha. Sa madaling salita, sa tunnel magtutuloy ang tubig baha.
Sabi ni Pasig City Rep. Roman Romulo, ganito ang ginawa sa Malaysia. Kaya raw nasolb ang trapik ay dahil sa tunnel doon at nagsisilbi ring drain kapag panahon ng tag-ulan. Kapag masama ang panahon, isasara ang tunnel para magsilbing drain ng tubig-baha. Mas kapaki-pakinabang umano ito kaysa gumawa ng skyway o elevated expressway sa EDSA.
Kamakailan lang, ipinroposed naman ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na ipagbawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush hour. Ayon kay Erice, ibawal ang mga private cars mula 6:00 a.m hanggang 9:00 a.m at mula 6:00 p.m. hanggang 9:00 p.m. Ayon pa sa mambabatas, dapat bigyang prayoridad ang mga manggagawa at middle income families na walang sariling sasakyan.
Binalak naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ibawal ang provincial buses na makapasok sa EDSA sapagkat ang mga ito umano ang dahilan ng trapik. Pero sinansala ng korte ang panukala. Hindi raw makatarungan na ibawal ang provincial buses sa EDSA.
Mayroong nagpayo na lagyan ng toll ang EDSA. Lahat nang papasok ay magbabayad. Pero sabi ng mga kritiko, hindi rin ito makakasolb sa trapik dahil kahit may bayad, tiyak na dadagsa ang sasakyan at magsisikip din.
Para sa amin, ang pinakapraktikal at hindi magagastusan nang malaki ang pamahalaan ay gawing one way ang EDSA. Gawing south bound lahat. Sa inner lane ang mga pribadong sasakyan at sa outer lane ang mga bus at iba pang sasakyang pangkargamento. Tiyak na magiging epektibo ito at maaaring makuha ang 5-minutong biyahe mula Cubao hanggang Ayala Avenue na minimithi ni President Duterte. Ba’t di ito subukan? Mas epektib ito kaysa tunnel.