‘Divine Intervention’

MABABAIT ang bagong lipat na tenant sa katapat naming paupahang bahay. Mukhang mga edukado. Ang mahirap na kapitbahay ay ‘yung walang kahiya-hiya sa katawan kagaya ng dating nangupahan sa bahay na iyon. Basta’t weekends at holiday, inihahanda na namin ang aming sarili sa pambubulahaw ng lasenggong tenant. Ang tagal pa namang nanirahan ang mga iyon—10 years!

Noong ipinapa-renovate pa namin ang aming bahay, stay-in ang mga karpintero dito sa aming bahay habang kami ay pansamantalang nangupahan sa isang bahay ng katabing subdivision. Minsan sabi ng mga ito sa amin:

Mam, mababait din ang mga tao dito sa inyo.

Bakit n’yo naman nasabi?

Kung iyang katapat bahay n’yong lasenggo ang tumira doon sa amin, paniguradong uulanin lagi ng bato ang bubungan ng mga ‘yan. Noong minsan, malalim na sa gabi, biglang nagsisigaw. Naghahamon ng away. Nag-usap-usap nga kaming magkakasama, sabi namin: Aba kahit naman tayo mga taga-squatter, hindi naman tayo ganyan kawalanghiya. Kahit tayo nalalasing, eh, nangingibabaw pa rin ang hiya. Pagkatapos malasing, uuwi sa bahay sabay tulog.

Talagang ipinagdasal ko ang paglayas ng kapitbahay na ito. Pero ang tagal bago ako pinakinggan—10 years. Ipinagdasal ko rin lumayas sana ang mga tsismosa at inggiterang kapitbahay. Kasi hindi lang pantsitsismis ang ginagawa nila sa akin, kung ano-anong bagay ang inihahagis sa aming bakuran ng anak na tarantado.

Hindi ko masita dahil hindi ko mahuli sa akto. Tinapay na may molds at maraming langgam o kaya ay pinagbalatan ng kung ano-anong gulay.

Ang gulong ng kotse namin ay malimit magkaroon ng nakatusok na maliit na pako. At bagong bili ang pako. Minsan ay nahuli kong tila may inilagay sa ilalim ng gulong ang anak ng tsismosa. Saka mabilis na umalis. Hindi pa ako naghihinala noon.

Biglang naghirap ang pamilya tsismosa. Kinailangang ibenta ang bahay. Hayun, natupad ang dinadasal-dasal ko na lumayas na sana ang mga ito. Saka ko napatunayan na sila ang naglalagay ng pako dahil noong nawala sila, hindi na napa-flat ang gulong ng aming kotse dulot ng pako. Napa-flat lang dahil luma at manipis na. Ngayon napapangiti ako sa mga karanasang iyon. Kailangan pa ang divine intervention para mawala ang mga walanghiya at tsismosang kapitbahay.

Show comments