NAG-CLOSE door meeting sina Pres. Duterte at Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde sa Palasyo noong Miyerkules ng gabi. Walang nakaalam kung ano ang topic sa usapan dahil sa pinalabas ang mga aide at iba pang mga kasama nila.
Kaya kapag nag-leak ang usapan nina Digong at Albayalde, isa sa kanila ang source nito. Get’s n’yo mga kosa? Siyempre, kahit tahimik ang kampo nina Digong at Albayalde, hindi maiwasang mapag-usapan sa Camp Crame kung ano ang dahilan bakit pinatawag ng una ang huli sa Palasyo.
Sa tingin kasi ng mga kausap ko sa Camp Crame, nais pakinggan ni Digong ang panig ni Albayalde sa binanggit ni Baguio City Mayor Benjie Magalong sa executive session ng Senado tungkol sa mga pulis na sangkot sa droga. Kaya naman naging paksa ng tsismis si Albayalde dahil sa senyas ni Sen. Richard Gordon na apat na daliri sa paghimas ng mukha niya matapos ang executive session na hiningi ni Magalong.
Siyempre, kaya nadamay si Albayalde dahil sa tingin ng mga nakamasid sa television, wala namang 4-star general sa PNP maliban sa kanya. Araguuyyy! Hak hak hak! Kayo mga kosa, alam n’yo ba kung ano ang pinag-usapan nina Digong at Albayalde? Pakibulong naman sa Supalpal!
Si Albayalde kasi mga kosa ay magreretiro na sa Nob. 8 kaya sa tingin ng kampo niya ang pagsabit ng pangalan niya sa Senado ay kasama sa demolition job laban sa kanya. Malakas kasi ang ugong nitong nakalipas na mga araw na i-extend ni Digong si Albayale dahil sa mga accomplishments niya na naging dahilan para manumbalik ang tiwala ng sambayanan sa pulisya.
Malakas ang kutob ng mga kosa ko na ang target ni Magalong talaga ay si Maj. Bienvenido Reydado, na inaresto niya matapos ang isinagawang raid sa CIDG office sa Pampanga, noong CIDG chief pa siya. Maraming kaso na ipinataw si Magalong kay Reydado subalit sa kasamaang palad ay dinismis ang mga ito ng korte. Si Reydado? Aba nakabalik sa serbisyo ang loko, naging floating ng matagal sa PRO2 hanggang itinalaga s’yang S2 o hepe ng intelligence ng Cagayan police nitong nagdaang mga araw.
Mukhang may ax to grind o hindi matanggap ni Magalong na nakatayo pa si Reydado at sumemplang ang raid niya kaya ginamit niya ang Senado para balikan ito. Araguuyyy! Hak hak hak! Ang problema lang, pati si Albayalde, na provincial director ng Pampanga noong raid ni Magalong, ay nadamay pa. Hindi naman kasi under ni Albayalde si Reydado dahil supervisory lang siya dito dahil si Magalong talaga ang amo niya.
Sa totoo lang, rehashed na ang isyu laban kay Albayalde. Kasi nga mga kosa, wala namang nakitang ebidensiya si Magalong na sangkot si Albayalde sa droga. May report ba si Magalong na ganun? Eh di wala, di ba mga kosa? Kaya naman nasabi kong rehash isyu ito dahil lumutang din ito noong kasagsagang namimili si Digong ng bagong chief PNP bilang kapalit sa kaklase niya sa PMA at ngayon ay senador sa katauhan ni Bato dela Rosa. Teka nga pala! Dahil sa nalalapit n’yang retirement, magkakaroon ng testimonial parade para kay Albayalde sa PMA bukas. Kaya asahan natin mga kosa na marami pang demolition job na lulutang bago ianunsiyo ni Digong kung sino ang bagong PNP chief. Abangan!