Dear Atty.,
Nagmana po ako ng lupa mula sa aking mga magulang ngunit nang pumunta po ako sa Registry of Deeds upang kumuha ng kopya ng titulo ay nalaman ko po na nawawala ang titulo ng lupang namana ko matapos ang bagyong Yolanda noong 2013. Ano po ba ang maari kong gawin?
Ben
Dear Ben,
Kailangan mong itanong sa Registry of Deeds kung ano mismo ang naging dahilan ng pagkawala ng titulo mo. Ayon sa Presidential Decree (PD) No. 1529, kung nasa 10% ng mga titulo sa isang Office of Registry of Deeds at hindi bababa sa 500 ng mga ito ang nawala o nasira dahil sa baha, sunog o iba pang sakuna o kaganapan na hindi inaasahan, ay maaring humiling sa Registry of Deeds na i-reconstitute o maibalik ang dating nasira o nawalang titulo.
Kaya kung ang titulo mo ay nawala dahil sa bahang dulot ng Yolanda at ang nasa 10% ng mga titulo, na hindi bababa sa 500 ang bilang, ay katulad din na nasira o nawala sa opisina ng Registry of Deeds kung saan nakatago ang titulo ay maari kang humiling sa Registry of Deeds na ibalik ito sa pamamagitan ng isang petition.
Kung hindi naman dahil sa sakuna ang pagkawala ng titulo o kung hindi aabot sa 10% ang mga titulong nawala sa Office of the Registry of Deeds ay kailangan mong dumaan sa korte. Magsasampa ka sa Regional Trial Court kung saan matatagpuan ang lupa ng petition para sa tinatawag na judicial reconstitution of title at kakailanganin mong magpresenta ng ebidensya upang mapatunayan mo na ikaw nga ang nagmamay-ari ng lupang nakasaad sa titulong nais mong ipa-reconstitute o maibalik.
Mas mabilis ang naunang paraan ng pagpapa-reconstitute ng titulo dahil administratibo lang ang proseso nito ngunit katulad ng nabanggit, maari lamang ito sa mga natatanging pagkakataon ng mga malawakang sakuna katulad ng nangyari noong nanalanta ang bagyong Yolanda.