KADALASAN sa maraming bakasyunista, kasama sa pagliliwaliw nila sa malalayong lugar ang makabagong mga gadget tulad ng smartphone at tablet o iPad at laptop na hindi nawawalan ng kuneksiyon sa internet. Anumang mga aktibidad o kaganapan sa mga pamamasyal ay naipoposte sa social media, bumabaha ang mga litratong inirehistro halimbawa ng camera ng cellphone, at umaani ng mga likes at comment ang bawat pangyayari sa kanilang adbentura sa labas ng maingay at magulong kabihasnan.
Pero, paano kung walang gadget at walang internet sa pagbabakasyon? Ito iyong tinatawag na digital detox vacations na ginagawa na rin nang maraming tao na kapag magbabakasyon at bibiyahe ay iniiwan nila ang kanilang mga smartphone sa kanilang bahay. Bakasyon sa tunay na mundo. Bakasyong malayo sa digital world. Offline habang nagliliwaliw sa magaganda at malalayong lugar.
May isang bagong pag-aaral na nalathala kamakailan sa Journal of Travel Research na nag-analisa sa karanasan ng 27 tao sa 17 bansa na nagbakasyon nang walang dalang anumang gadget at walang kuneksyon sa internet. Lumilitaw na, kapag naputol ang kuneksyon sa internet ng mga turista at wala silang dalang smartphone halimbawa, una muna silang nakakadama ng pagkabahala, pagkadismaya at withdrawal symptoms. Pero hindi nagtatagal at natatanggap nila ang ganitong karanasan at nakakadama rin sila ng kalayaan mula sa digital world. Pagkatapos ng bakasyon, marami sa mga sinaklaw ng pag-aaral ang nagugulantang at naiinis sa mga bumahang mensahe na natanggap nila sa kanilang mga devices habang offline sila.
Bagaman kokonti lang na matatawag ang bilang ng mga lumahok sa naturang pag-aaral, nakakapagbigay din ito ng larawan sa nangyayari sa mga bakasyunista kung wala silang internet at mga gadget. Tulad na lang ng negatibong pakiramdam na wala silang gadget na mapagpapalipasan ng oras sa pagbabakasyon o maibalita man lang nila ang nangyayari sa kanila.
Gayunman, ayon sa mga awtor ng pag-aaral, natutuklasan ng maraming bakasyunista na mas lalo nilang napapag-ukulan ng pansin at natututukan ang nasa paligid nila habang disconnected sila sa digital world. Hindi sila naaabala ng mga dumarating na mga mensahe, notification o alert mula sa kanilang mobile apps. Bukod dito, mas nagkakapanahon ang isang bakasyunista na makipag-usap o makipag-bonding sa mga kapwa niya bakasyunista o sa ibang mga taong nakakasalamuha nila sa kanilang bakasyon kaysa sa sitwasyon na online sila at may dalang telepono.
Ayon pa sa mga awtor ng pag-aaral, maraming tao ang napapagod na rin na laging online sa pamamagitan ng mga makabagong gadget at nauuso na rin ang tinatawag na digital-free tourism.
Email: rbernardo2001@hotmail.com