MALAKING isyu ngayon ang mga napalayang bilanggo na umano’y may mga kasong karumal-dumal (heinous). Ayon sa report, nasa 200 bilanggo na ang napalaya mula nang ipatupad ang Republic Act 10592. Nakinabang ang mga napalayang bilanggo sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) na nakasaad sa RA 10592. Pero sabi ng Palasyo noong Sabado, ibalik sa Bilibid ang mga napalaya na may karumal-dumal na kaso.
Ang ugat nang lahat ay ang paglaya sana ni convicted rapist-murder Antonio Sanchez noong Agosto 20. Pero dahil sa naging maingay ang sambayanan, nakialam ang Malacañang. Galit na galit si President Duterte at sinabing hindi palalayain si Sanchez. Nagpasalamat ang Sarmenta at Gomez family sa pagtutol ni Duterte na makalaya si Sanchez na ang hatol ay pitong habambuhay na pagkabilanggo.
Lalaya na nga sana si Sanchez dahil kasama raw ang pangalan nito sa listahan ng mga nakinabang sa GCTA. Handang-handa na umano ang pamilya ni Sanchez sa pagsundo sa dating mayor at kapag nakalaya na ito ay sama-sama silang kakain sa isang Japanese restaurant sa Makati. Talagang handa na umano ang dating mayor na lalaya. Na-fingerprint na rin umano ito.
Pero hindi natuloy ang kanyang paglaya. Bago iyon, nag-alimpuyo ang galit nang taumbayan at pati ang social media ay walang patid ang pagpapahatid ng simpatya. Hindi dapat palayain si Sanchez at pitong bodyguard nito dahil sa nagawang karumal-dumal na krimen kina Eileen at Allan, mga estudyante ng UP-Los Baños. Ginahasa at pinatay si Eileen. Pinatay din si Allan.
Hindi naman talaga dapat makasama si Sanchez sa mga palalayain sapagkat hindi siya nagpakita ng kabutihan habang nakakulong. Katunayan, nahulihan siya ng shabu at marijuana sa kanyang selda noong 2006. Magarbo ang buhay niya sa loob sapagkat may sariling kubol.
Walang kapatawaran ang nagawa niyang kasala-nan. Tama ang mga nagsasabi na dapat siyang mabulok sa bilangguan at hindi dapat kaawaan.
Maging maingat naman ang Bureau of Correction (BuCor) sa pagpapalaya ng mga bilanggo. Magsiyasat muna at huwag basta pirma nang pirma sa mga palalayain. Delikadong mapalaya ang mga rapist at mamamatay-tao.