Propesyon

MINSAN ay hindi mo maiwasang magkaroon ka ng kamag-anak na pakialamero na akala mo’y ideya na lang niya ang laging tama. Kapag kami ay nagkikita, lagi niyang sasabihin sa akin: Maglibang-libang ka naman paminsan-minsan. Mahirap sa tao ‘yung lagi na lang nakasubsob sa trabaho. Tingnan mo kami, tuwing weekend ay nagbabakasyon kaming mag-anak para kahit sandali ay makapaglibang.

Masarap sanang isipin na nagmamalasakit siya sa iyo pero hindi ganoon ang dating sa akin. Para bang tatanga-tanga ako na hindi ako marunong mangalaga sa aking sarili. May tonong nagyayabang siya sa akin na mas magaling siyang mag-manage ng kanyang buhay kaysa nag-aalala siya sa akin. Kaya sa halip na magpasalamat ako sa kanyang concern sa akin, naiirita ako.

Ang isinasagot ko ay: Hayaan mo at kapag kasingyaman n’yo kami ay gagawin din namin ang pagbabakasyon tuwing weekend. Pero hangga’t hindi pa ako mayaman, pagkita muna ng pera ang priority ko. Anong kuwenta ng paglilibang kung sa likod ng iyong utak ay naroon ang pagkabahala na wala kang pambili ng mga librong kailangan ng iyong anak?

At isa pa, hangga’t ang isang tao ay nag-e-enjoy sa kanyang trabaho, sa palagay ko ay hindi na niya kailangan pa ang bakasyon. Maligayang maligaya ako sa aking pagsusulat. Para na rin akong nagbabakasyon tuwing nasa harapan ako ng aking computer at naghahabi ng mga salitang bubuo ng isang makabuluhang sulatin.

Sinasabihan ko rin ang pakialamero na magkaiba ang nature ng trabaho ko sa trabaho nila. Ang kanila ay paperworks na pag-uwi sa bahay ay puwede munang kalimutan ang trabaho. Ako ay writer. Kahit nakahiga na at nakapikit ang mata ay umaandar pa rin ang utak para iplano ang susunod na susulatin kinabukasan.

Hindi ko lang masabi—Kaya siguro wala kayong negosyo na nagtatagumpay, sagana kasi kayo sa bakasyon. ‘Yun  lang ang masarap sa pagiging writer, kumikita na ng pera, sumasaya pa ang puso kaya walang lugi.

Show comments