NAKUNAN ng CCTV ang pagpasok ng isang lalaki sa isang school sa Calamba, Laguna. Palinga-linga ang lalaki na tila may hinahanap. Maraming estudyante sa paligid sapagkat breaktime. Maya-maya pa, nakita ang pagpasok ng lalaki sa isang room. Hindi na nakita ang aktuwal na pagbaril ng lalaki sa isang lalaking estudyante.
Ang kasunod na scene ay tumatakbo nang palabas ang lalaki na may hawak na baril. Nagtatakbuhan din naman ang mga estudyante sa iba’t ibang direksiyon dahil sa takot na matamaan. Hanggang sa matagpuan ang duguang katawan ng estudyante. Isinugod sa ospital ang estudyante pero dead on arrival na ito.
Ayon sa report, isang security guard ang suspect. Hanggang sa kasalukuyan, blanko pa ang pulisya sa motibo ng pagpatay sa estudyante. Ayon sa pulisya, pinaghahanap na nila ang suspect.
Nakagigimbal ang nangyaring ito na isang estudyante ang napatay sa loob mismo ng eskuwelahan. Habang ang mga magulang ay nagtitiwala na ligtas na nag-aaral ang kanilang anak, eto at mayroon palang makakapasok na gunman at walang anumang pinagbabaril ang estudyante. Parang bumaril lamang ng manok at walang anumang nakatakas.
Paano nakapasok ang suspek? Dapat magpaliwanag ang school kung paano nakapasok ang mamamatay-tao? Wala bang security guard ang school?
Ang pangyayaring ito ay dapat magbukas sa isipan ng mga eskuwelahan mapapubliko man o mapapribado na magkaroon ng guwardiya kahit man lang isa para mapigilan ang mga taong may masamang tangka. Kung may nagbabantay sa gate, tiyak na walang makakapasok.
Dapat din namang tingnan ng Department of Education (DepEd) kung mayroong pananagutan ang eskuwelahan sa Laguna na pinangyarihan ng krimen. Dapat malaman kung sino ang nagkulang. Hindi dapat ipagwalambahala ang pangyayaring ito sapagkat maaaring mangyari muli ito sa hinaharap.