KUNG kailan 20 taon na silang nagsasama ng kanyang misis ay saka naman “nangati” si Mister at natutong mambabae. Isang taon nang ibinabahay ni Mister si Kabit nang maisip niyang mahirap sa bulsa at kalooban ang kanyang ginagawang pagtataksil. Isang araw ay humingi siya ng payo sa kanyang tiyuhin. Gusto na niyang mag-stick to one, kaso nalilito siya kung sino sa dalawa ang pipiliin: si Misis o si Kabit na ubod ng lambing.
Nagkataong may malawak na hardin ang tiyuhin. Kinuha niya ang dalawang halaman na nakatanim pa sa flowerpot: isang cactus at isang rosas.
“Kung papipiliin kita kung ano sa dalawang halaman ang nais mong alagaan, ano ang pipiliin mo?” sabi ng tiyuhin.
“Itong rosas ang gusto ko” sagot ni Mister.
Napaismid ang tiyuhin.
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko. Sa panlabas na anyo ka agad tumitingin. Alam mo pamangkin, maganda man ang rosas, ito ay delikadong alagaan. Kapag hindi mo nabigyan ng extra care, mabilis itong malanta at mamatay. Samantalang ang cactus, hindi man ito attractive sa unang tingin dahil sa kanyang tinik, ang hitsura niya ay hindi nagbabago, ulanin man at arawin. Berde at sariwa pa rin ito at hindi nangangailangan ng masusing pangangalaga. At kapag panahon ng kanyang pamumulaklak, aba, ‘di hamak na mas maganda sa rosas ang kanyang iniluluwal na bulaklak.”
Hindi makaimik si Mister. Nagpatuloy pa ang tiyuhin. Sinamantala niya ang pagmumuni-muni ng pamangking playboy.
“Kilalang-kilala ka ng iyong asawa mula tuktok hanggang talampakan. Bistado niya ang iyong mga kahinaan pero sa kabila noon, mahal na mahal ka pa rin niya. Gaano ka kakilala ng iyong kabit? Siyempre ay nagpapapogi ka sa kanya, kaya ang nakikita niya lang sa iyo ay ang maganda mong katawan, guwapong mukha at ang mataba mong bulsa”.
“Nakita na ng iyong asawa ang iyong pinakamasamang version. ‘Yung mga sandaling nagmumukha ka nang halimaw dahil sa ginagawa mong pangbe-verbal abuse sa kanya. Pero ‘andun pa rin ang pasensiyang ibinibigay niya sa iyo. For better or for worse, minamahal ka pa rin niya. E, ‘yung kabit mo, nakakaseguro ka ba na mahuhumaling pa rin iyan sa iyo kapag naghihirap ka na o kapag ipinapakita mo na ang kasamaang ugali mo?”
“Isang araw, maiisip mong habang abalang-abala ka sa pamumulot ng mga bato sa pusali, may diyamante ka palang hinahayaan mo lang na pakalat-kalat sa bahay mo”.