ISANG dambuhalang baka sa Alabama ang nakapagtala ng bagong Guiness World Record dahil sa kanyang napakahabang mga sungay na umabot ng 10 feet at 7 inches.
Nahigitan ng mga sungay ng 7-anyos na Texas Longhorn steer na si “Poncho” ang dating world record, na mas maikli ng isang pulgada.
Nakatira si Poncho sa isang rancho sa Goodwater, Alabama na pag-aari ng pamilya Pope.
Simula noong siya ay anim na buwang gulang pa lamang ay nasa pangangalaga na ng Pope family si Poncho.
Una raw napansin ng pamilya ang potensyal ni Poncho na makapagtala ng bagong world record noong ito’y apat na taong gulang pa lamang.
Sa halip kasi na pataas ay patagilid ang direksyon ng tubo ng mga sungay ni Poncho, na senyales daw na magiging mahahaba ang mga ito.
Kung ano naman daw ang ikinalaki ng mga sungay ni Poncho ay siya rin naman daw ang ikinaamo nito.
Sa rami raw kasi ng bumibisita sa kanilang rancho ay nasanay na raw sa pakikisalamuha sa tao si Poncho kaya wala na raw itong pinagkaiba sa ibang hayop na karaniwang inaalagaan sa bahay katulad ng mga aso at pusa.