NOON pa marami nang nalinlang ng mga itinatag na investment organization. At karamihan sa mga nalinlang o naloko ay mga mahihirap. Madali silang maakit sapagkat pinangangakuan ng mataas na interest o payout. Buwan-buwan ay tatanggap ng interest ng perang ini-invest.
Iisa ang modus ng mga investment group, kikita ang pera ng 30 percent sa loob ng isang buwan. Dahil sa laki ng payout, marami ang nahihikayat at i-invest lahat ang kanilang pera dahil malaki rin ang pangakong interest. May nagbebenta ng alagang hayop at nagsasangla pa ng lupa para i-invest lamang. Huli na nang malamang scam ang organisasyon. Ang masakit, nakatakbo na ang pinaka-lider, tangay ang bilyong piso na galing sa mga miyembro.
Pero sa kabila na marami nang nangyaring scam sa bansa, marami pa rin ang nahihikayat na mag-invest. Hindi pa rin nagkaroon ng aral sa mga nangyaring fraud o panloloko sa mga miyembro. Kahit pa nakuhanan ng pera, wala pa ring kadala-dala.
Isang halimbawa ay ang Kapa Community Ministry International Inc., na iniutos ni Pres. Rodrigo Duterte na ipasara dahil sangkot sa illegal investment scam. Noong Martes, sinalakay ng NBI ang mga opisina ng Kapa dahil sa reklamo ng Securities and Exchange Commission (SEC) na sangkot ang mga opisyal sa scam at nakapanloko sa mga miyembro ng P50 billion. Ayon sa SEC, nakarehistro ang Kapa na isang religious organization pero taliwas ang mga ginagawa sapagkat sa investment scheme luminya. Bawat miyembro umano ay kailangang mag-invest ng P5,000 hanggang P1 million. Pinapangakuan ng buwan-buwang “blessing”.
Nang magsalita si President Duterte, hayagan nitong sinabi na investment scam ang Kapa. Nakapagtataka raw na 30 percent ang ibabalik sa miyembro. Kalokohan daw ito sapagkat ang banko ay 3 percent lang ang interest na ibinibigay sa miyembro. Large scale estafa raw ang ikakaso sa mga miyembro ng Kapa at wala itong piyansa.
Matuto na sana ang mamamayan at huwag magpadala sa malaking payout na iniaalok ng sinuman. Mag-imbestiga muna bago magbitaw ng pera sa isang organisasyon na nangangako nang malaking interest. Baka sa halip na kumita ang ini-invest na pera ay maglaho itong parang bula.