Kotse o pamilya?

MALAWAK ang klase ng public service na mayroon at handang ibigay ang BITAG, mula sa pagkakasa ng mga entrapment o surveillance operations hanggang sa pagbibigay liwanag o payo sa reklamong idinudulog sa amin.

Nag-iisa lang ang BITAG bilang Pambansang Sumbungan na may mga pamantayang sinusunod at ginagawa na kaiba sa lahat. Dahil kung walanghiya ka’t balasubas ay kami pa mismo ang makakatapat mo sa lengguwaheng ginagamit mo.

Ngunit may ilang mga pagkakataong di kinakailangan ang tipo ng BITAG na handang makipagbasagan ng mukha sa mga kolokoy, dahil minsan ang reklamong dinudulog sa amin ay nangangailangan ng BITAG bilang isang kaibigang makapaglilinaw sa kanilang kalagayan.

Tulad na lamang ng sumbong na inilapit sa amin ng isang lalaking stroke survivor. Labimpitong taon siyang nanirahan bilang immigrant sa United States, umuwi raw siya sa Pilipinas nang siya’y ma-stroke. Reklamo ngayon ng pobre, nais niyang mabawi ang sasakyan niyang naiwan dito sa Pinas matapos mangibang-bansa na ginagamit at ayaw isauli ng mga kamag-anak niya.

Eto na naman, problemang pampamilya. Kung iisipin, hindi na kailangan pa ng BITAG kapag ganitong sumbong.

Subalit dahil nagtiyagang pumila sa aming tanggapan ang nagrereklamo, nagbigay ako ng ilang payo.

Ang mga material na bagay tulad ng binabawi niyang sasakyan ay nawawalan din ng saysay kumpara sa kanyang pamilya na makakasama niya habang siya’y nagpapagaling. Kung tutuusin nga ay undervalued na ang sasakyang gusto nitong makuha dahil 1999 pa niya ito nabili.

Sa una ay tila hindi pa maintindihan ng pobre ang nais kong liwanagin sa kanya na mas mahalaga ang koneksiyon niya sa kanyang pamilya kaysa sa isang piraso ng bakal na tinatawag niyang sasakyan. Kalaunan ay natanggap na rin nito ang mensaheng nais kong ipabatid.

Marahil minsan ay nakakalimutan natin ang mga totoong blessings sa mga buhay natin tulad ng ating mga kaibigan, kapatid, magulang o kaanak, maaring dahil masyado nating mas nabibilang ang mga materyal na bagay at karangyaan.

Sa huli, di man naibalik sa pobre ang sasakyang nais niyang mabawi ay nalinawan naman na ito sa kanyang sitwasyon at kailanman ay hindi makapagbibigay ang mga materyal na bagay ng kalinga at pag-aaruga sa kanya kundi ang kanyang pamilya.

Hindi lang takbuhan si BITAG ng mga pinagmalupitan, niloko at inabuso. Maituturing din kaming kaibigang maasahan at malalapitan na magsasabi ng katotohanan, gaano man ito kasakit, ayunan n’yo man o hindi.

Show comments