ISANG buwan na lamang ay matatapos na ang panahon ng summer sa Pinas. Gayunpaman, nagbibigay babala pa rin ang BITAG, pag-iingat sa mga grupo at pamilyang naga-outing.
Etong linggo lang ay may lumapit sa amin na isang ina na inilahad ang malunos na sinapit ng 10 taong gulang niyang anak. Matapos kasing sumama sa outing ng mga katrabaho ng ate niya, umuwi na itong isang malamig na bangkay.
Hindi na naisalba ng kanyang 2 kapatid at mismong mga lifeguard ang biktima sa pagkakalunod sa 6.5 feet na swimming pool ng Rolling Hills Resort, Ugong, Valenzuela.
Umabot sa mahigit P100,000 ang bayarin sa ospital, na-commatose ang bata hanggang sa namatay ito. Reklamo ng ina, P15,000 lang daw ang tinulong ng resort.
Humihingi sila ng tulong sa BITAG na papanaguting pinansiyal ang resort dahil hindi nila mapalibing ang bata. Ang ospital kasi ay inipit ang original death certificate nito dahil sa kakulangan pa ng bayad.
Hindi ko gustong kagalitan pero napangaralan ko rin ang ina at kanyang nakatatandang anak. Sa umpisa, nagkaroon din ng kapabayaan sa panig ng pamilya.
Hindi dapat pinayagan ng ina ang bata na sumama sa ate nito lalo na’t night swimming ng mga katrabaho. Ang ate naman, dapat naging mapagbantay sa kanyang nakababatang kapatid.
Subalit mas malaki ang pananagutan ng resort, ayon ito mismo sa aming resident lawyer na si Atty. Batas Mauricio.
Una, tulog ang mga lifeguard ng nasabing resort nang mangyari ang insidente, hindi rin marunong sa first aid ang mga ito. Ikalawa, kung pumayag ang resort na mag-swimming ng alanganing oras ang kanilang mga guests dapat nakahanda ang kanilang mga safety protocols and assistance.
Inilapit na rin namin ang kasong ito sa pamahalaan ng Valenzuela. Hindi kami nagkamali, mapa-eleksiyon man o hindi, kilos pronto ang tanggapan ng mayor.
Sa paghaharap ng mga nagrereklamo at pamunuan ng resort na inirereklamo, nagkaroon ng resolusyon na ngayong Huwebes mismo ay sasagot sa kanilang obligasyong pinansiyal ang resort.
Babala ng BITAG sa lahat, maging maingat lalo sa mga panahong ito. Walang masama sa kasiyahan, siguraduhing ligtas ang bawat miyembro ng pamilya, saanman, anuman ang inyong ginagawa.